MANILA, Philippines – Patuloy na magdudulot ng pag-ulan ang isang low-pressure area (LPA) sa silangan ng Northeastern Mindanao at ang southwest monsoon o habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong Linggo, ayon sa PAGASA.
Bandang alas-3 ng madaling araw, namataan ang LPA sa layong 890 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao.
Inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa Eastern Visayas, Caraga, at Davao Region. Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang malakas na ulan.
Makakaranas din ng kaparehong lagay ng panahon ang Ilocos Region, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, at Palawan dahil sa habagat, na may banta rin ng pagbaha at landslide.
Samantala, ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms. Ayon sa PAGASA, maaaring magdulot ang malalakas na thunderstorm ng biglaang pagbaha o pagguho ng lupa.
Naitala sa PAGASA Science Garden sa Quezon City ang pinakamataas na temperatura na 32.7°C noong Sabado, habang ang pinakamababa ay 26.0°C. RNT/MDS