MANILA, Philippines – Nagbabala si Senador Rodante Marcoleta laban sa agarang pagsisi sa mga video game sa nangyaring pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Ayon kay Marcoleta, may ilang senador na masyadong mabilis na itinuro ang larong GoreBox bilang sanhi ng insidente nang hindi pa lubusang nasusuri ang lahat ng pangyayari.
“May mga ibang mga kasamahan ako sa Senado, mabilis silang magpasya, mabilis silang humatol na ang kanilang sinisisi, ay yun daw mga video games,” aniya.
Dagdag niya, hindi dapat magbigay ng mabigat na akusasyon nang walang sapat na ebidensya dahil maaari itong makasira sa mga taong o industriyang walang pananagutan.
“Ako, para sa akin, bago ka gumawa ng ganoong klaseng paglalatag o pagbibigay ng hatol, ay pakaisipin mong mabuti,” sabi niya.
Ibinahagi rin ni Marcoleta na lumaki siyang nanonood ng mga action movie ni Fernando Poe Jr., ngunit hindi ito nagtulak sa kanya na maging marahas.
“Action nga ang gusto ko. Pero tingnan mo. Ako bilang isang naging bata din, aksyon ang gusto ko. Pero hindi ako namamaril ng ganun-ganun lang,” aniya.
Sinabi rin ng senador na ang GoreBox ay isang larong ginawa sa Germany at may 18-and-above age restriction. Sa halip na sisihin ang developer, dapat umanong suriin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) kung sapat ang kanilang mga hakbang upang hindi ito ma-access ng mga menor de edad.
“Mabigat yung paratang na yun. Kailangan, lalo na kung ikaw ay member ng Senado, eh huwag kang mabilis magpasya. Aralin mo. Para sa ganun ay walang mapahamak,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Senadora Risa Hontiveros na hindi dadalo sa pagdinig ng Senado sa Hulyo 1 ang Germany-based developer ng GoreBox na si Felix Filip. Aniya, hihingi siya ng tulong sa Embahada ng Germany sa Pilipinas upang mapadali ang paglahok ng developer sa imbestigasyon. RNT/MDS