MANILA, Philippines – Hinikayat ng Philippine National Police (PNP) ang mga paaralan na makipag-ugnayan muna sa pulisya bago magsagawa ng malalaking off-campus activity upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., mahalaga ang koordinasyon para sa tamang security assessment, emergency response planning, traffic management, at paghahanda ng rescue at medical services.
Iniutos din ng PNP sa lahat ng local at regional police offices na palakasin ang koordinasyon sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED).
“We encourage schools to coordinate with local police stations before conducting major off-campus activities so that proper security assessments, emergency response planning, traffic management, and coordination with rescue and medical services can be undertaken,” pahayag ni Nartatez.
Kasunod ito ng pagkalunod ng Ateneo Blue Eagles athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang team-building at training activity sa isang resort sa Dipaculao, Aurora. Binanggit din ng PNP ang mga kamakailang insidente ng pamamaril at pananaksak na sangkot ang mga menor de edad.
“We will strengthen coordination with DepEd, CHEd and local government units to ensure that proper security and safety measures are in place for the safety of learners, especially major off-campus activities,” dagdag niya.
Palalakasin din ng PNP ang police visibility sa mga paaralan upang makatulong sa pagpapanatili ng ligtas na kapaligiran para sa mga mag-aaral.
“Prevention begins with strong partnership and advance planning,” ani Nartatez. RNT/MDS