MANILA, Philippines – Sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na ang pagtanggi ng Chinese Embassy sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) tungkol sa 2016 Arbitral Award ay nagpapakita ng “insincerity and duplicity” o kawalan ng sinseridad at pagiging mapanlinlang.
Nauna nang iginiit ng DFA na ang 2016 Arbitral Award ay pinal at may bisa, at kinondena ang patuloy na pagtanggi ng China na kilalanin ito.
Bilang tugon, sinabi ng Chinese Embassy na hindi nito kinikilala ang arbitration sa South China Sea at tinawag itong “a political manipulation in disguise.” Iginiit din nitong binaluktot umano ng Arbitral Award ang mekanismo ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ayon kay Teodoro, ang pahayag ng embahada ay nagpapakita ng tunay na intensyon ng Chinese Communist Party sa pakikitungo sa Pilipinas.
“It clearly shows their insincerity and duplicity… We condemn the arrogant display of deceitful indignation by them.”
“Hindi kapanipaniwala ang mga sinasabi kaya idinadaan sa alboroto,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Teodoro na hindi magpapasindak ang Pilipinas.