PAMPANGA, Philippines – Sugatan ang isang forest ranger na kilala sa alyas na “Ka Arlet” at tatlo niyang kasama matapos ang umano’y engkuwentro sa pulisya sa Arayat, Pampanga noong Sabado, Hunyo 27.
Ayon sa Pampanga Police, nagsasagawa ang mga pulis ng surveillance matapos makatanggap ng ulat ng putukan sa Barangay San Juan Baño. Habang nasa operasyon, nakita umano nila ang isang armadong lalaki na nagpapaputok ng baril malapit sa isang tindahan. Sinabi ng pulisya na sa halip na sumuko matapos magpakilala ang mga awtoridad, nagpaputok umano ito sa mga pulis kaya gumanti ang mga ito.
Nasugatan ang apat na lalaki at dinala sa ospital para sa gamutan.
Narekober ng mga awtoridad ang isang .45-caliber pistol, M-16 rifle, 12-gauge shotgun, carbine rifle, .38-caliber revolver, at isang hand grenade.
Ayon pa sa Philippine National Police, si “Ka Arlet” ay dating lider ng Ka Arlet Group o Pintados Group, na may ugnayan sa Rebolusyonaryong Hukbong Bayan. Sumuko siya sa pamahalaan noong 2018 at kalaunan ay naging forest ranger sa Mt. Arayat. RNT/MDS