TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Umabot sa 536 wanted persons ang naaresto ng Police Regional Office 2 (PRO2) dito sa Region 02 simula nang maupo si PBGen. Mariano C. Rodriguez bilang Regional Director noong Mayo 1, 2026.
Sa datos ng PR02, umabot sa 536 wanted persons ang nadakip sa iba’t ibang operasyon sa rehiyon. Kabilang dito ang 106 most wanted persons sa antas ng munisipyo, lungsod, lalawigan at rehiyon, habang 430 naman ang iba pang wanted persons.
Bukod sa manhunt operations, pinaigting din ng PRO2 ang kampanya laban sa iligal na droga. Tatlong high-value individuals ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon sa Tuguegarao City at Santiago City, kung saan nasamsam ang mahigit 595 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P3.9 milyon.
Dalawang suspek rin ang nahuli sa Nueva Vizcaya dahil sa umano’y paglabag sa Revised Forestry Code of the Philippines. Nasabat sa operasyon ang tinatayang 3,000 board feet ng troso na may halagang P1.5 milyon.
Samantala, naaresto rin ng mga awtoridad si alias “Benson,” na dating kabilang sa isang rebeldeng grupo at kinilalang No. 1 Most Wanted Person sa rehiyon noong 2020. Nahaharap siya sa dalawang kasong murder.
Noong Hunyo 4, idineklara ring insurgency-free ang Cagayan Valley at isinailalim sa state of Stable Internal Peace and Security, kasunod ng magkatuwang na kampanya ng mga ahensiya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, at security forces sa rehiyon.
Sinabi ni Rodriguez na patunay ang mga naitalang accomplishment ng patuloy na pagsisikap ng kapulisan at iba pang katuwang na sektor upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Cagayan Valley o Region 02. (REY VELASCO)