NAAPRUBAHAN na ng Kongreso ang House Bill 8389 o ang panukalang Anti-Political Dynasty Act. Ito ang kauna-unahang anti-dynasty measure na naipasa ng lower chamber simula nang ratipikahan ang 1987 Constitution.
Mahalaga sana itong hakbang upang patibayin ang ating demokrasya. Pero imbes na maging hakbang para sa tunay na reporma, lalo lang nalantad ang pagkamakasarili ng mga kinatawan sa mababang kapulungan.
Iniakda nina Speaker Bojie Dy at Majority Leader Sandro Marcos, mukha itong batas laban sa dinastiya ngunit ang totoo, ginagawa nitong lehitimo ang pagkasugapa sa kapangyarihan ng mga angkang nasa pulitika.
Masasabi nating makasarili para sa mga may-akda at pumanig ang nasabing panukala. Bakit kanyo?
Una, napakaliit ng saklaw nito pagdating sa mga kamag-anak. Tumutukoy lamang ang HB 8389 sa mga kamag-anak hanggang sa ikalawang antas ng pagkakamag-anak o ugnayan—asawa, magulang, anak, at mga kapatid. Ang dinastiya ay batid nating hindi lamang umiikot sa iisang pamilya.
Umaabot ito hanggang sa buong angkan. Ibinabawal lamang nito na hawakan ng mga kamag-anak ang parehong posisyon sa isang nasasakupan. Ngunit sa dinastiya, ang isang miyembro ng pamilya ay maaaring alkalde, ang isa ay gobernador, isa ay kongresman, ang isa ay kinatawan ng partylist, at ang isa pa ay senador. Nasa magkakaibang posisyon sa iba-ibang lugar, ngunit iisang pamilya.
Hindi rin nito ibinabawal ang palitan ng pwesto sa loob ng pamilya na karaniwan nilang gimik. Kapag natapos na ang termino ng isa, ang asawa, anak, o kapatid naman ang papalit. Hindi naaalis sa pamilya ang kapangyarihan.
Nagbibigay-daan pa rin ang HB 8389 sa pagpapalitan at pag-ikot ng mga posisyon sa mga miyembro ng pamilya. Ibig sabihin, ginagawa nitong ligal ang ganitong paglilipat-lipat ng pwesto.
Ang panukala ay walang saysay na kung maisasabatas ay hindi totoong laban sa dinastiya.
Dapat matapos sa tunay na reporma ang pagmonopolyo o pagmanipula ng iisang pamilya sa kapangyarihan.
Ang ‘public service’ ay hindi isang laro. Ipinapakita ng panukalang ito kung gaano kaliit at kababaw tingnan ng mga nasa Kongreso ang isip ng mga Pilipino. Ginagawa nila tayong mga bobo.
Malinaw na iniakda lamang ito upang patahimikin ang matagal nang isinisigaw ng taumbayan para sa tunay na pagbabago sa ating lipunan.
Ang dinastiya ay parang kanser na hindi gumagaling sa simpleng retoke. Kailangan itong tuluyang alisin at buwagin.






