Home NATIONWIDE Anti-dynasty, social media ban sa minors, kabilang sa LEDAC priority bills –...

Anti-dynasty, social media ban sa minors, kabilang sa LEDAC priority bills – Gatchalian

3
0

MANILA, Philippines – Kabilang sa 50 priority bills ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang panukalang Anti-Political Dynasty Act at ang panukalang nagbabawal sa mga batang edad 16 pababa na gumamit ng social media, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.

Sinabi ni Gatchalian na tatlong priority bills ang isinumite niya sa LEDAC, kabilang ang panukalang magbabawal sa paggamit ng social media ng mga menor de edad.

“Humingi tayo ng tatlong priority bills sa mga senador para tutukan ng Senado itong mga priority bills. So nag-submit ako ng tatlo, isa doon ay ‘yung pagbawal o pag-ban ng social media sa mga 16 years old and below,” ani Gatchalian sa panayam sa Super Radyo dzBB.

Samantala, kabilang naman sa mga isinumiteng priority bills ni Senador Risa Hontiveros ang Anti-Political Dynasty bill.

Upang maipagpatuloy ang legislative work kasabay ng nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni Gatchalian na hihilingin niya sa bawat senador na pumili ng tig-tatlong panukalang batas na bibigyang-prayoridad.

Ipinaliwanag din niya na muling isinulong ang social media ban kasunod ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, kung saan naniniwala siyang may malaking impluwensiya ang social media sa paghubog ng marahas na pag-uugali ng ilang kabataan.

“Kasi nga ang pinakamalaking tanong dito, ano ba ang nakakaimpluwensya sa mga bata ngayon na nagagawa nila itong karahasan?” aniya.

Ayon pa kay Gatchalian, may mga pag-aaral na nagpapakita ng masamang epekto ng social media algorithms sa mga kabataan, dahilan upang ipatupad na rin ng ilang bansa, kabilang ang United Kingdom, ang paghihigpit sa paggamit nito ng mga menor de edad.

Inihayag din niyang isasama sa panukala ang pagbabawal sa mga menor de edad na makapaglaro ng mararahas na online games kung saan hindi na namo-monitor ng mga magulang ang kanilang mga nakakausap.

Iminungkahi rin niya ang paggamit ng facial recognition at age verification bago makagawa ng social media account, gayundin ang mas mabilis na pagba-block ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa mga account ng mga menor de edad.

Sa usapin naman ng pagpapababa ng minimum age of criminal responsibility, sinabi ni Gatchalian na mas nakikita niyang dapat palakasin ang implementasyon ng Bahay Pag-asa upang maayos na marehabilitate ang mga kabataang nalalabag sa batas.

Aniya, nakapaglaan na ang Senado ng pondo para sa pagtatayo ng limang bagong Bahay Pag-asa, bagama’t aminado siyang hindi pa ito sapat para sa lahat ng lalawigan sa bansa.

Tiniyak din ni Gatchalian na isusulong ng Senado ang pagpasa ng Anti-Political Dynasty bill sa ilalim ng kanyang pamumuno, kahit inaasahan niyang magiging mahaba ang diskusyon nito sa bicameral conference committee.

“Alam ko magiging madugo pagdating sa Bicam kasi ang layo ng Senate version sa House version, pero dahil nasa LEDAC ‘yan, itutulak natin hanggang mapasa ‘yan,” aniya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here