MANILA, Philippines – Inilunsad ng Department of Budget and Management (DBM) ang isang centralized online platform na magbibigay-daan sa publiko na masubaybayan ang paggasta ng pamahalaan mula sa pag-apruba ng badyet hanggang sa aktuwal na paglalabas ng pondo.
Tinawag na Centralized Open Monitoring Platform for Appropriations and Spending Statistics (COMPASS), pinagsasama-sama ng portal ang mahahalagang dokumento at datos kaugnay ng badyet, kabilang ang National Expenditure Program, General Appropriations Act, appropriations, budget adjustments, allotments, obligations, at disbursements.
Kasabay ng paglulunsad ng COMPASS, inanunsyo rin ng DBM sa pamamagitan ng National Budget Memorandum No. 158 ang panukalang P7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027, na mas mataas ng anim na porsiyento kumpara sa P6.793-trilyong budget ngayong 2026.
Kapag inaprubahan ng Pangulo, isusumite ang panukalang badyet sa Kongreso sa loob ng 30 araw matapos ang pagbubukas nito o 30 araw matapos ang State of the Nation Address (SONA).
Ayon sa DBM, nakatuon ang panukalang badyet sa mga programa, proyekto at aktibidad na magbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga Pilipino at tutugon sa kanilang mga pangangailangan upang matiyak ang mas matatag at ligtas na kinabukasan.
Ang panukalang spending plan ay kasunod ng rebisyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa fiscal program ng pamahalaan, kung saan ibinaba ang target na paglago ng ekonomiya para sa 2026 sa 3.5 hanggang 4.5 porsiyento, habang itinaas naman ang fiscal deficit ceiling at expenditure program.
Kasabay rin ng paglulunsad ng COMPASS ang paglabas ng Public Financial Management Reforms Roadmap 2024-2028 Midterm Update, kung saan 18 pangunahing reporma ang bibigyang-prayoridad mula sa orihinal na 41 interventions.
Ang bagong portal ay inilunsad halos isang taon matapos utusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikaapat na SONA ang imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa mga flood control projects, na nagbunsod ng mas mahigpit na pagbabantay sa paggasta ng pamahalaan.
“Reform is not a destination. It is not the end of our efforts but a continuing process. As circumstances evolve, as new challenges emerge, our systems must also become more adaptive. Today we take another step in that direction with the launch of the DBM COMPASS,” ani Pangulong Marcos.
Sinabi naman ni Acting Budget Secretary Kim Robert De Leon na layunin ng bagong portal na palakasin ang transparency, accountability at tiwala ng publiko sa pamahalaan.
“By making budget information more accessible, understandable, and easier to track, we empower citizens to become active partners in governance,” ani De Leon.
“Transparency is among the strongest safeguards against corruption. When information is open, accountability becomes stronger,” dagdag pa niya. RNT/JGC