MANILA, Philippines – Aabot sa P40.06 milyong halaga ng iligal na droga ang nasamsam habang 110 katao ang naaresto sa serye ng anti-drug operations na isinagawa sa buong bansa mula Hunyo 18 hanggang 25, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa inilabas na ulat nitong weekend, sinabi ni PDEA Director General Isagani Nerez na 83 operasyon ang ikinasa sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa nasabing panahon.
“These accomplishments reflect the commitment of PDEA, the Philippine National Police, and other law enforcement agencies in protecting our communities from the threat of illegal drugs. Every successful operation in the cities, ports or remote areas strengthens public safety,” ani Nerez.
Dagdag pa niya, paiigtingin pa ng PDEA ang intelligence-driven operations bilang suporta sa kampanya ng Bagong Pilipinas para sa mas ligtas at drug-free na bansa.
Sa kabuuang mga naaresto, 76 ang hinihinalang drug pushers habang 19 naman ang inaresto dahil sa ilegal na pag-iingat ng droga.
Mahaharap ang lahat ng mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kabilang sa mga nasamsam sa mga operasyon ang 3,574.91 gramo ng shabu, 72,240 piraso ng tanim na marijuana, 9,899.13 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana, 2,800 punla ng marijuana, at 5.18 gramo ng marijuana kush.
Ayon sa PDEA, isinailalim na sa forensic examination ang mga nakumpiskang ebidensya at gagamitin sa mga kasong isasampa laban sa mga suspek. RNT/JGC