MANILA, Philippines – Tinutulan ni Senador Bam Aquino ang pagiging bukas ng Malacañang sa paghihigpit o pagbabawal sa mararahas na video game kasunod ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, sa pagsasabing mas madaling sisihin ang mga ito tuwing may nagaganap na insidente ng karahasan.
Ayon kay Aquino, maraming pag-aaral ang nagsasabing walang ugnayan ang mga video game at school shooting.
Dagdag pa niya. ang mga video game, bilang isang anyo ng sining at libangan, ay hindi humahantong sa marahas na pag-uugali.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na bukas si Pangulong Marcos sa mga panukalang higpitan o ipagbawal ang mararahas na online game dahil sa pangamba sa posibleng impluwensya ng mga ito sa mga bata.
“Mas maraming studies na ginawa na nagsasabing walang correlation between video games and school shooting,” ani Aquino, chairperson ng Committee on Basic Education at Committee on Science and Technology.
“Magpi-50 years na rin iyong mga video games, pero it’s always a convenient scapegoat sa tuwing may nangyayaring insidente ng karahasan,” dagdag pa niya.
Sa halip na magpatupad ng blanket ban sa mga video game, nanawagan si Aquino ng mas mahigpit na pagpapatupad ng umiiral na age restrictions para sa mga larong may mature rating, katulad ng mga panuntunang ipinatutupad sa mga pelikula at programa sa telebisyon.
“Maraming games na hindi pang-bata. Maybe what we can clarify is kung meron man mas maging strikto, dapat mas istrikto iyong access ng mga bata sa mga mature video games,” ani Aquino.
“Dapat sa mga video game stores and online stores, medyo mas strikto rin yung ating rules pagdating sa mga bata at iyong pag-access nila sa mga mature video games. Pero banning video games in general or as a whole, I don’t think that’s a good solution to our problems,” dugtong pa niya.
Sinabi ni Aquino na may mahalagang papel ng mga magulang sa pagbabantay sa mga video game na nilalaro ng kanilang mga anak at sa pagtiyak na ang mga ito ay naaayon sa kanilang edad.
Iginiit din niya na may pananagutan ang mga game developer na gawing mas ligtas ang mga online gaming platform, lalo na iyong para sa mga bata, sa pamamagitan ng pagpapatibay ng mga hakbang laban sa mga online predator, extremist groups, at iba pang mga taong may masasamang hangarin.
“Dahil pang-bata iyan, iyong developers mayroong silang responsibility na ma-monitor, ma-check at ma-ban iyong mga predators o iyong mga tao doon na may masasamang balak,” paliwanag niya.
Isinusulong ni Aquino ang pagpasa ng kanyang panukalang School Safety Act upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at iba pang kawani ng paaralan matapos ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng 20 iba pa.
Kabilang sa kanyang mga paunang panukala ang paglalagay ng mas maraming CCTV camera, pagdaragdag ng mga barangay tanod at security personnel, at pagsasagawa ng regular na pagpupulong ng Parent-Teacher Association (PTA) upang talakayin ang mga usapin sa kaligtasan sa paaralan at iba pang mga hakbang kontra karahasan. Ernie Reyes