MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Bam Aquino na hindi dapat sisihin o ipagbawal ang mararahas na video game matapos ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Ayon kay Aquino, maraming pag-aaral ang nagsasabing walang direktang ugnayan ang video games sa school shootings. Aniya, sa loob ng 50 taon, madalas lamang gawing “scapegoat” ang mga video game tuwing may nagaganap na karahasan.
Sa halip na total ban, iminungkahi niya ang mas mahigpit na pagpapatupad ng age restrictions para sa mga larong may 18+ rating. Dapat ding higpitan ang pagbebenta at online access ng mga bata sa mga ganitong laro.
Binigyang-diin din ni Aquino ang mahalagang papel ng mga magulang sa paggabay sa paggamit ng internet ng kanilang mga anak, at ang responsibilidad ng game developers na gawing mas ligtas ang kanilang mga platform laban sa mga online predator at iba pang masasamang loob.
Nauna nang sinabi ng MalacaƱang na bukas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga panukalang higpitan o ipagbawal ang mararahas na online game matapos lumabas sa imbestigasyon na ang isa sa mga menor de edad na sangkot sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City ay madalas maglaro ng Gorebox, isang larong may 18+ na rating. RNT/MND