MANILA, Philippines – Inamin ng nagbitiw na Ateneo men’s basketball head coach na si Tab Baldwin na wala siyang Alien Employment Permit (AEP) kahit nagtatrabaho siya bilang basketball coach sa Pilipinas mula pa noong 2013.
Ginawa ni Baldwin ang pahayag sa pagdinig ng Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay ng kanyang employment status matapos ang pagkamatay ng mga student-athlete na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
“I do not have nor do I believe I ever had a card like that. However, if I could clarify, in 2015, I did receive by e-mail an AEP application form partially filled out,” aniya.
Sinabi ni Baldwin na maingat siya sa mga dokumento at naniniwala siyang posibleng nagpatuloy siya sa proseso noon, ngunit hindi na niya maalala kung ano ang nangyari pagkatapos.
Inamin din niyang hindi siya kailanman nag-apply ng AEP dahil sinabi umano ng dati niyang legal counsel na sapat na ang kanyang permanent residency visa para matugunan ang employment requirement.
“Nobody ever advised me that I should not have an AEP card, I was only advised that a permanent residency visa would satisfy my employment requirements,” saad niya.
Samantala, sinabi ni Labor Secretary Francis Tolentino na tatawagin ng espesyal na panel ang mga opisyal ng Ateneo de Manila University sa Hulyo 9 para sa pagpapatuloy ng pagdinig. RNT/MDS