MANILA, Philippines – Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Pilipinas sa pinakahuling mga pangyayari sa Strait of Hormuz at mga naiulat na pag-atake sa Middle East, kasabay ng panawagan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pairalin ang diplomasya at iwasan ang paglala ng sigalot.
Naglabas ng pahayag ang DFA matapos ang mga naiulat na pag-atake sa dalawang barkong dumaraan sa Strait of Hormuz, na nagbunsod sa Estados Unidos na magsagawa ng mga pag-atake laban sa Iran.
Batay sa mga ulat, maaaring malagay sa alanganin ang umiiral na ceasefire sa Middle East na bahagi ng memorandum of understanding na nilagdaan ng dalawang panig noong Hunyo 17.
“The Philippines is gravely concerned with the recent developments in the Strait of Hormuz and the reported attacks in the Middle East,” ayon sa DFA.
Hinimok din ng ahensya ang lahat ng sangkot na panig na igalang ang umiiral na kasunduang pangkapayapaan at umiwas sa mga hakbang na maaaring magpalala sa tensyon.
“We continue to urge all involved parties to remain committed to the initial peace agreement and pursue constructive dialogue in finding a negotiated diplomatic solution to the conflict, as well as refrain from actions that could undermine the progress of the peace talks,” dagdag ng DFA. Dave Baluyot