BATANGAS CITY – Iniimbestigahan ng pulisya ang dalawang person of interest, kabilang ang isang Grade 10 student, kaugnay ng umano’y online threats ng pamamaril at pananaksak sa Batangas City Integrated High School.
Sinuspinde ang face-to-face classes nitong Lunes matapos kumalat ang Facebook post ng umano’y Grade 10 student na nagsabing binu-bully siya at nagbantang babarilin at sasaksakin ang mga kapwa estudyante.
Ayon kay Batangas City Police chief Colonel Ira Morello, hindi ito ang unang pagkakataon na may nagbanta laban sa paaralan.
“Pinost is a video lang na may baril. Ayun lang po yung pinost sa GC,” ani Morello, na tumutukoy sa video ng isang .45 caliber pistol habang may naririnig na nagsasabing, “Papatayin ko kayo.”
Nauna nang ipinatawag ng school principal ang nag-post ng naturang video at pinangakuan itong hindi na uulitin ang ginawa, ngunit hindi pa matiyak ng mga awtoridad kung may kaugnayan ito sa pinakahuling banta.
Nakasulat sa pinakahuling mensahe: “Saksak at baril ko kayo, mga Grade 7,8,9,10. Hulaan niyo kung kailan. Hahaha. Binubully niyo ako ha? Barilan tayo bukas. Patay kayo sa akin.”
Kinilala ng pulisya ang mga person of interest na isang 17-anyos na Grade 10 student ng paaralan at isang 20-anyos na lalaki.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na umano’y biktima ng bullying ang estudyante at posibleng ginawa ang pagbabanta upang matigil ang pang-aapi sa kanya.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente at isasailalim sa forensic examination ang mga cellphone ng mga person of interest.
Tiniyak naman ng paaralan na ligtas ang campus at magpapatupad ng karagdagang security measures. Magbabalik ang face-to-face classes sa Martes. Mary Anne Sapico