Home METRO 15-anyos na umatake sa gas station worker sa Maynila, isinuko ng ina

15-anyos na umatake sa gas station worker sa Maynila, isinuko ng ina

3
0

MANILA, Philippines – Isinuko ng kanyang ina sa mga awtoridad ang isang 15-anyos na binatilyo matapos umano nitong atakehin at masaugatan ang isang pump attendant ng gasolinahan gamit ang basag na salamin sa Sampaloc, Maynila.

Sa viral video, makikitang hinabol ng suspek ang biktima bago ito binato ng basag na salamin na tumama sa itaas na bahagi ng kanang bisig ng pump attendant. Matapos ang insidente ay tumakas ang binatilyo sakay ng Balic Balic–Quiapo-bound jeepney.

“Masyadong matapang ‘yung bata e. Kahit kami natakot kami e parang palaban na palaban siya e,” ayon kay Marco Deveza na nag-upload ng video.

“Ang last word na narinig ko sa kaniya ay parang ‘kahit saksakin kita e hindi ako makukulong’ so nagulat ako talagang vinideo ko na siya,” dagdag niya.

Ayon sa biktima, sinita niya ang binatilyo dahil ipinagbabawal na itong pumasok sa gasolinahan matapos umanong balahurain ang kanilang palikuran at magnakaw sa mga nakaparadang jeep.

“Kasi po naka-ban po dito sa ‘min ‘yon dahil binabalahura po niya yung CR namin. Tapos yung mga nakaparadang jeep ninanakawan po niya,” aniya.

Sa video naman ng Manila Police District (MPD), narinig ding nagbanta ang binatilyo habang isinusuko ng kanyang ina.

“Sasaksakin kita, ‘kala mo,” wika ng 15-anyos.

Nilinaw ni MPD spokesperson P/Maj. Philipp Ines na mali ang paniniwala ng binatilyo na hindi siya makukulong dahil menor de edad.

“Hindi totoo na hindi ka pupwede makulong base doon sa edad mo. Depende ‘yon sa gravity ng offense. Kapag nalaman na he acted with discernment o alam niya ‘yung ginagawa niya maaari siyang makulong,” ani Ines.

Dagdag pa niya, sa ilalim ng ordinansang “Responsible Parenting in the City of Manila,” maaaring managot ang mga magulang o guardian kung paulit-ulit na nasasangkot sa ilegal na gawain ang isang menor de edad.

“Tinatawag natin na ‘Responsibile Parenting in the City of Manila,’ kung saan ‘yung mga minor na nai-involve sa paulit-ulit na insidente, ‘yung pang-apat na beses, ang mananagot na dito ang magulang o ang guardian,” ani Ines.

“Depende ito sa edad ng bata, mas mababa ‘yung edad ng bata, mas mataas ‘yung penalty,” dagdag niya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here