Home NATIONWIDE LPA namumurong maging bagyong ‘Henry’; malaking bahagi ng Luzon, uulanin

LPA namumurong maging bagyong ‘Henry’; malaking bahagi ng Luzon, uulanin

6
0

MANILA, Philippines  — Makakaranas ng pag-ulan ang malaking bahagi ng Luzon ngayong Martes dahil sa isang low pressure area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa 3:00 a.m. weather bulletin ng PAGASA, namataan ang LPA sa karagatang sakop ng San Pascual, Masbate.

Ayon kay PAGASA weather specialist Chenel Dominguez, mataas ang posibilidad na maging ganap na tropical cyclone ang LPA, at kapag nangyari ito ay tatawagin itong Henry.

Ipinaliwanag ni Dominguez na kapag naging bagyo ang sama ng panahon, agad na maaaring magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Southern Luzon at Visayas.

Inaasahan ding magdadala ang LPA ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa Metro Manila, CALABARZON, Bicol Region, Mindoro, Romblon, at Marinduque.

Samantala, makararanas naman ng kalat-kalat na pag-ulan ang Palawan dulot ng habagat o southwest monsoon.

Sa nalalabing bahagi ng bansa, inaasahan ang pulu-pulong pag-ulan at pagkidlat-pagkulog, lalo na sa hapon o gabi.

Ayon pa sa PAGASA, mananaig ang mahina hanggang katamtamang lakas ng hangin at banayad hanggang katamtamang pag-alon sa karagatan sa buong kapuluan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here