SAMAR, Philippines – Muling nakita ang Samar Rafflesia (Rafflesia manillana), isa sa mga pinakabihirang at nanganganib na halamang namumulaklak sa Pilipinas, sa loob ng Samar Island Natural Park (SINP) matapos ang 15 taon.
Natuklasan ito sa isang survey ng Protected Area Management Office upang alamin ang kasalukuyang kalagayan at lokasyon ng species. Huling naitala ang Samar Rafflesia noong Marso 2011.
Kinumpirma ng mga botanist na sina Dr. Pastor Malabrigo Jr. at Dr. Julie Barcelona ang pagkakakilanlan ng halaman. Ayon sa DENR, kabilang ang Samar Rafflesia sa mga endangered species dahil sa kakaunti nitong populasyon at banta ng pagkasira ng tirahan nito.
Ang Rafflesia ay isang parasitic plant na walang sariling dahon, tangkay, o ugat. Nabubuhay ito sa isang uri ng baging at namumulaklak lamang nang ilang araw, habang ang amoy nito ay nakaaakit ng mga langaw na tumutulong sa polinasyon.
Ayon sa mga environmental official, ang muling pagkakadokumento sa Samar Rafflesia ay nagpapakita ng kahalagahan ng Samar Island Natural Park sa pangangalaga ng biodiversity at nagpapatibay sa pangangailangang protektahan ang kagubatan laban sa illegal logging, land conversion, at iba pang banta. RNT/MDS