BATAAN, Philippines – Tuluyang sinira ng mga awtoridad ang aabot sa halos P900,000 halaga ng mga nakumpiskang produkto ng tabako (sigarilyo) sa mga serye ng operasyon ng pulisya matapos isinagawang disposal activity sa Camp Cirilo Tolentino, Balanga City.
Pinangunahan ni Bataan Police Director Col Marites Salvadora at mga kinatawan mula sa lokal na Pamahalaan Panlalawigan, Provincial Health Office, Bureau of Customs (BoC), Bureau of Fire Protection (BFP) at local media.
Ang mga nasabing produkto ng tabako na sinira ng mga awtoridad ay nakumpiska mula sa mga hindi awtorisadong nagtitinda nito, alinsunod sa mas pinaigting na pagpapatupad ng batas at ordinansa laban sa iligal na pagbebenta at pamamahagi ng tobacco products.
Sinira ng mga awtoridad ang mga nakumpiskang tobacco products sa pamamagitan ng pagbasa upang tuluyan itong Hindi na mapakinabangan.
Layon hakbang na ito, na ipatupad ang Provincial Ordinance No.06 Series of 2019 o ang Comprehensive Anti-Tobacco Smoking Control Ordinance upang protektahan ang kalusugan ng publiko at mapigilan ang paglaganap nito (sigarilyo) at maisulong ang mas malusog na pamayanan ng hindi paninigarilyo.
Ang lalawigan ng Bataan ay isang “Smoke free” province kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo at pagbebenta ng anumang uri tobacco products. (ROEL TARAYAO)