THE HAGUE, Netherlands – Pinayagan ng Trial Chamber III ng International Criminal Court (ICC) ang hiling ng prosekusyon na gamitin ang naunang naitalang testimonya ng isang mahalagang saksi sa crimes against humanity case laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa 15-pahinang public redacted decision na inilabas noong Oktubre 2, 2026, inaprubahan ng korte ang paggamit ng testimonya ng saksi na tinukoy sa code na “P-1100”, alinsunod sa Rule 68(3) ng ICC Rules of Procedure and Evidence. Ang Trial Chamber III ay pinamumunuan ni Presiding Judge Joanna Korner, kasama sina Judge Keebong Paek at Judge Nicolas Guillou.
Ayon sa prosekusyon, naglalaman ang testimonya ni P-1100 ng mahahalagang detalye tungkol sa umano’y polisiya na “neutralise” sa pamamagitan ng mararahas na krimen, kabilang ang pagpatay, sa mga hinihinalang kriminal sa Pilipinas, pati na rin sa modus operandi ng Davao Death Squad (DDS).
Sa pagtugon sa mga pagtutol ng depensa, sinabi ng Chamber na nasiyahan ito na ang nilalaman ng testimonya at mga ulat na ginawa ng saksi ay tila may kaugnayan sa background at konteksto ng kaso.
Pinayagan ang naunang testimonya upang mapabilis ang paglilitis, ngunit ibinasura ng Chamber ang hiling ng prosekusyon na bigyan ito ng dalawang oras para sa karagdagang pagtatanong kay P-1100.
Ayon sa korte, “excessive” ang dalawang oras batay sa uri at nilalaman ng testimonya kaya inatasan ang prosekusyon na paikliin ang pagtatanong at tapusin ito sa loob ng isang oras.
Pinayagan din ng Chamber ang limang kaugnay na dokumento, kabilang ang tatlong formal reports na mismong ginawa at isinumite ni P-1100. Gayunman, apat pang dokumento ang hindi pinayagan matapos makita ng korte na hindi ito makabuluhang ginamit o ipinaliwanag ng saksi sa kanyang testimonya.
Nagbabala rin ang korte sa prosekusyon laban sa pagsusumite ng labis na ebidensya, partikular sa mga materyal na paulit-ulit o limitado ang kaugnayan sa kaso.
Binigyang-diin ng ICC na ang paggamit ng naunang nakasulat na testimonya ay hindi nangangahulugang mawawala ang karapatan ng depensa sa patas na paglilitis. Mananatili ang pagkakataon ng depensa na tanungin si P-1100 tungkol sa kanyang testimonya.
Gayunman, mananatiling kailangan na personal na humarap si P-1100 sa korte at pumayag sa paggamit ng kanyang nakasulat na testimonya.
Si Duterte ay nahaharap sa tatlong bilang ng crimes against humanity na kinumpirma ng ICC Pre-Trial Chamber I noong Abril 23, 2026. Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30, 2026. RNT/MDS