MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 57-anyos na motorcycle rider habang sugatan ang isang 76-anyos na pedestrian matapos ang aksidente sa kalsada sa bayan ng Pitogo, Zamboanga del Sur nitong Miyerkules ng gabi, Nobyembre 18.
Ayon kay Police Capt. Derf Jay Maquinta, tagapagsalita ng Zamboanga del Sur Police Provincial Office, naganap ang aksidente dakong alas-6 ng gabi sa Purok Potato, Barangay Poblacion.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Pitogo Municipal Police Station (MPS), minamaneho ng biktima ang kanyang pulang Honda RSX motorcycle mula Pagadian City patungong Barangay Panubigan nang mabangga ang matandang pedestrian na tumatawid sa kalsada.
Kapwa nagtamo ng mga sugat ang dalawang biktima.
Gayunman, idineklarang dead on arrival ang rider, habang nananatili namang naka-confine sa ospital ang pedestrian.
Napag-alaman na pauwi na ang rider matapos sumailalim sa dialysis treatment sa Pagadian City nang mangyari ang aksidente.
Patuloy naman ang imbestigasyon at dokumentasyon ng Pitogo MPS kaugnay ng insidente. RNT/JGC