MANILA, Philippines – Lumaki sa $10.6 bilyon ang kabuuang kakulangan sa balance of payments (BOP) ng Pilipinas sa unang 10 buwan ng 2026, kasabay ng pagbaba ng gross international reserves (GIR) ng bansa sa $98 bilyon noong katapusan ng Oktubre, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Iniulat ng BSP nitong Biyernes na nagtala ang bansa ng $1.5 bilyong BOP deficit noong Oktubre, dahilan upang lumaki ang pinagsama-samang kakulangan mula Enero hanggang Oktubre. Mas mataas ito kumpara sa $4.6 bilyong deficit sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa BSP, pangunahing dahilan ng pagbaba ng foreign reserves ang net foreign exchange operations nito, pagbaba ng halaga ng mga reserba partikular ng ginto dahil sa pagliit ng presyo nito sa pandaigdigang merkado, at pagkuha ng foreign currency ng pambansang pamahalaan upang bayaran ang panlabas na utang at iba pang pangangailangan sa pondo.
Gayunman, sinabi ng BSP na nananatiling sapat ang reserba ng bansa upang tustusan ang pangangailangan sa imports, bayaran ang mga obligasyon sa foreign debt at magsilbing panangga laban sa mga posibleng pagyanig sa pandaigdigang ekonomiya.
Katumbas ng 6.1 buwan ng importasyon ng mga produkto at pagbabayad para sa mga serbisyo at primary income ang gross international reserves noong Oktubre. Sapat din ito upang mabayaran nang 3.2 beses ang short-term external debt ng bansa batay sa residual maturity.
Samantala, ipinaliwanag ng BSP na ang BOP ay sumusukat sa kabuuang transaksiyong pang-ekonomiya ng bansa sa iba pang bahagi ng mundo.
Ang malaking kakulangan sa unang 10 buwan ng taon ay bunsod ng patuloy na agwat sa kalakalan ng mga produkto at net outflows mula sa foreign portfolio investments.
Bahagya naman itong nabawasan dahil sa patuloy na pagpasok ng remittances mula sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), pangungutang ng pambansang pamahalaan sa ibang bansa, kalakalan sa serbisyo at foreign direct investments (FDI). RNT/JGC