Home NATIONWIDE Libo-libong barangay workers sa liblib na komunidad sa Mati, personal na binisita...

Libo-libong barangay workers sa liblib na komunidad sa Mati, personal na binisita at tinulungan ni Bong Go

1
0

MANILA, Philippines – Umabot sa 584 barangay workers at iba pang residente mula sa tatlong liblib na barangay sa Mati City, Davao Oriental ang tumanggap ng tulong mula kay Senator Christopher “Bong” Go sa kanyang pagbisita nitong Martes, Nobyembre 17.

Personal na nagtungo si Go sa Barangay Cabuaya upang mamahagi ng tulong sa mga benepisyaryo mula sa Barangays Cabuaya, Luban at Lanca, kabilang ang mga barangay health worker, barangay nutrition scholar, barangay tanod at iba pang kawani ng barangay.

Nakatanggap ang mga benepisyaryo ng financial assistance, grocery packs, pagkain, damit, ballpen at mga basketball o volleyball. Namahagi rin ang senador ng karagdagang mga premyo sa raffle gaya ng sapatos, relo, bisikleta at cellphone.

Hinimok ni Go ang mga benepisyaryo na gamitin nang wasto ang natanggap na tulong, partikular para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya at pagkain ng kanilang mga anak sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Gamita ninyo ni sa tama, para sa inyong pagkaon, para sa inyong mga anak. Lisod kaayo ang panahon karon, mahal ang palitonon. (Gamitin ninyo ito nang tama, para sa inyong pagkain at para sa inyong mga anak. Napakahirap ng panahon ngayon at mahal ang mga bilihin),” aniya.

Ipinahayag din ng senador ang kanyang pasasalamat sa mainit na pagtanggap ng mga residente. Aniya, may personal siyang koneksyon sa Davao Oriental dahil nagmula sa bayan ng Lupon ang kanyang pamilya.

“Muuban ko sa inyo kay para makapasalamat man lang ug makighimamat sa inyo, ug makapasalamat sa inyong suporta. (Sasama ako sa inyo para personal ko kayong makilala, makasama, at mapasalamatan sa inyong suporta),” dagdag pa ni Go.

Binigyang-diin ni Go na mahalagang personal na napupuntahan ng mga opisyal ang kanilang mga nasasakupan, lalo na ang mga nangangailangan ng tulong dahil sa kahirapan, karamdaman at iba pang suliranin.

“Sa tinuod lang, di ko makaagwanta nga maglingkod lang sa among bugnaw nga opisina samtang kamo nanginahanglan og tabang. Mao na adtuon gyud tamo. (Sa totoo lang, hindi ko kayang manatili na lamang sa aming malamig na opisina habang nangangailangan kayo ng tulong. Kaya personal ko talaga kayong pinupuntahan),” sinabi pa ng senador.

Nakipag-ugnayan din siya sa mga kabataang residente, kabilang ang isang batang kamakailan lamang nagdiwang ng kaarawan at humiling na magkaroon ng basketball. Tinulungan niya itong magkaroon ng birthday cake at nangakong aayudahan din sa pagbili ng sapatos na magagamit sa pag-aaral o paglalaro ng basketball.

Nangako rin si Go ng suporta sa mga basketball at volleyball tournament sa komunidad upang mahikayat ang mga kabataan na magkaroon ng malusog na pamumuhay at malayo sa ilegal na droga.

“Kaning mga kapitan, kagawad, atong mga barangay officials, abri dapat ang atong opisina kanunay para sa atong mga kaigsuonan nga naa sila’y kadaganan. (Ang mga kapitan, kagawad, at iba pang barangay officials, dapat laging bukas ang ating mga opisina upang may malalapitan ang ating mga kababayan),” ani Go.

Samantala, muling ipinahayag ng senador ang suporta sa Senate Bill No. 178 o panukalang Magna Carta for Barangays, na naglalayong mapabuti ang kapakanan, sahod at iba pang benepisyo ng mga barangay official at kawani.

Naghain din siya ng Senate Bill No. 412 o panukalang Magna Carta of Barangay Health Workers, na naglalayong mapabuti ang kanilang sahod, benepisyo at kondisyon sa trabaho. Kabilang sa panukala ang pagbibigay ng hindi bababa sa P3,000 buwanang honorarium sa mga barangay health worker.

Binigyang-pugay ni Go ang mga barangay health worker at nutrition scholar sa kanilang mahalagang papel sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan, lalo na noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

“Kamoy hero sa pandemya. Unta mahimo na ning balaod, pasado na ni sa Senado, ginahulat na lang namo sa Kongreso. Ipaglalaban ko po ang ating mga barangay health workers po. (Kayo ang mga bayani noong pandemya. Sana ay maging batas na ito. Naipasa na ito sa Senado at hinihintay na lamang namin sa Kongreso. Ipaglalaban ko ang ating mga barangay health workers),” giit ni Go.

Kabilang din sa mga dumalo sina Barangay Cabuaya Captain Renato Lemente, Barangay Luban Captain Robelyn Basas at Barangay Lanca Captain Henaro Bentayao, kasama ang kani-kanilang mga kagawad.

Kinilala rin ng senador ang kontribusyon ng mga miyembro ng barangay council, kinatawan ng indigenous peoples, mga opisyal ng Sangguniang Kabataan at mga tauhan ng uniformed services sa pagpapanatili ng kaayusan at paghahatid ng serbisyo sa mga residente.

Sa huli, tiniyak ni Go na patuloy siyang tutulong sa mga komunidad na nangangailangan, partikular sa mga lugar na malayo sa mga pangunahing pasilidad at tanggapan ng pamahalaan.

“Kausa ra ta muagi aning kalibutana. Kung unsay kaayuhan ug tabang nga pwede natong buhaton sa atong isigkatawo, ato nang buhaton karon kay dili na ta mubalik aning kalibutana. (Minsan lang tayo dadaan sa mundong ito. Kung anumang kabutihan o tulong ang maaari nating gawin para sa ating kapwa, gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito),” paalala niya sa mga benepisyaryo.

“Ako ang inyong Senador Kuya Bong Go, padayon nga moserbisyo kaninyong tanan kay ako gatuo nga ang serbisyo sa tao, serbisyo kana sa Ginoo ug serbisyo kana kay Allah. (Ako ang inyong Senator Kuya Bong Go, patuloy na magseserbisyo sa inyong lahat dahil naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos at serbisyo rin kay Allah),” pagtatapos nito. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here