Home ENTERTAINMENT Andrew E, emosyunal sa Lifetime Achievement Award ng PMPC!

Andrew E, emosyunal sa Lifetime Achievement Award ng PMPC!

3
0
Screenshot

Manila, Philippines -Pinarangalan ang King of Pinoy Rap na si Andrew E. sa 17th PMPC Star Awards for Music ng Pilita Corrales Lifetime Achievement Award sa event na ginanap sa Teatrino, Greenhills last June 25, 2026.

Pinasalamatan niya nang taos-puso ang PMPC at ang mga naging bahagi ng kanyang makulay na showbiz career. “Sobrang laking karangalan ito, so, hindi ko alam kung kaya kong tapatan ang pasasalamat… lalong-lalo na sa buong PMPC Star Awards for Music,” wika ni Andrew.

Pagpapatuloy pa niya, “First door na nagbukas sa akin para ako ay makilala ninyong lahat, is of course the one and only RJ Jacinto and the Ventures. Na sila ang gumawa ng ‘Humanap Ka ng Panget’ way back 1990.

“Napakalaking salamat of course for the one and only Boss Vic del Rosario and sa buong Viva Records and Viva Films for making me an Andrew E. na talagang lalong pinalaganap sa masa at the same time ay lalo po akong nakilala. Kasi po, bukod sa pagiging rapper ay nabigyan ako ng chance na maging artist at comedian, para makapagpaligaya ng maraming tao sa buong bansa.”

After pasalamatan ang iba pang mahahalagang tao, sinabi niya ito, “Of course siyempre, a big, big shout out sa ating Panginoon dahil Siya po ang talagang nagbigay sa akin ng lahat ng ito.”

Aniya pa, “Sa aking pamilya, sa aking wife na si Mylene, ‘Thank you so much,’ Fordy, Jassley, Ichiro, sa aking mga magulang and of course sa mga kaibigan, at sa inyong lahat, maraming-maraming salamat po.”

Nagsimula ang showbiz career ni Andrew higit tatlong dekada na ang nakaraan at hanggang ngayon ay nananatiling maningning ang kanyang bituin sa mundo ng showbiz.

Kilala bilang isang icon si Andrew E. sa larangan ng entertainment. Mula sa pagiging rapper ay nakagawa siya ng maraming pelikula at lahat ito ay nagsimula via his monster hit song na “Humanap Ka Ng Panget.”

Although maraming pumutok na kanta si Andrew gaya ng “Huwag Kang Gamol,” “Binibirocha,” “Banyo Queen,” “Stupid Love,” “Alabang Girls,” “Andrew Ford Medina,” at marami pang iba, ang kantang Humanap Ka Ng Panget ang tila nagtakda ng destiny ni Andrew para magmarka nang husto sa showbiz world.

Anyway, kasamang kinilala ni Andrew sina Ms. Celeste Legaspi para sa Pilita Corrales Lifetime Achievement Award at Mon del Rosario sa Parangal Levi Celerio Lifetime Achievement Award.

Makabuluhan ang mensahe ni Andrew E. sa pagtatapos ng kanyang speech.

Aniya, “Always and remember, na huwag nyo pong iintindihin lalo na ang mga taong nagda-down sa inyo. Ang intindihin nyo po iyong mga taong umaasa na balang-araw, ikaw ay magniningning sa larangan na ito. At sa pagningning mo ay mahahawakan mo ang kanilang mga kamay, upang sila ay akuin sa kanilang kinalalagyan, para makasama at maka-angkas sa iyo, sa iyong tagumpay. Maraming-maraming salamat po.” Nonie Nicasio

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here