MANILA, Philippines – Natagpuang patay ang dating Abuyog, Leyte Vice Mayor na si James Bohol at ang kanyang anak na si Carlou James “Jimbo” Bohol sa isang bangin sa Barangay Imelda, Silago, Southern Leyte nitong Martes, Hunyo 30, tatlong araw matapos silang maiulat na dinukot.
Ayon sa ulat, natagpuan ang dalawang bangkay bandang alas-9:57 ng umaga sa isang bangin na tinatayang pito hanggang walong metro ang lalim sa gilid ng kalsada, may halos isang kilometro ang layo mula sa sentro ng bayan ng Silago.
Rumesponde ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang kilalanin ang mga biktima.
Kinumpirma ni Abuyog Mayor Lemuel Gin Traya ang pagkamatay ng mag-ama matapos siyang ipaalam ng Philippine National Police (PNP).
“We are deeply saddened by the confirmation received from the Philippine National Police regarding the tragic and senseless demise of former Abuyog Vice Mayor James Bohol and his son, Carlou James ‘Jimbo’ Bohol,” ani Traya.
Mariin ding kinondena ng lokal na pamahalaan ng Abuyog ang insidente.
“Such profound lawlessness has no place in our society, as it directly violates the peace, order, and security that we uphold within our municipality,” dagdag niya.
Nagpaabot din si Traya ng pakikiramay sa pamilya ng mga biktima at tiniyak ang suporta ng lokal na pamahalaan sa kanilang pagdadalamhati.
Ayon sa imbestigasyon, dinukot ang mag-ama bandang ala-1 ng hapon noong Sabado, Hunyo 27, mula sa kanilang opisina sa loob ng isang bodega sa Barangay Sta. Cruz, Mayorga, Leyte.
Nauna nang humingi ng tulong sa publiko si Faye Bohol, anak ng dating bise alkalde, matapos umanong mamataan ang mga suspek na tumawid mula Sta. Clara Port sa Allen, Northern Samar patungong Matnog, Sorsogon bandang alas-4:55 ng madaling araw noong Hunyo 28.
Sinabi niyang sapilitang isinakay ng tatlong lalaki ang kanyang ama at kapatid sa isang Mitsubishi Mirage na may plakang GBA 6637. Ayon naman sa mga awtoridad, lumipat umano ang mga suspek sa isang kulay abong Toyota Hilux na may plakang HAH 5228 habang patungong Luzon.
Sa ngayon, wala pang inihahayag ang PNP hinggil sa pagkakakilanlan ng mga suspek at wala pa ring natutukoy na motibo sa krimen.
Si James Bohol ay isang negosyante at dating bise alkalde ng Abuyog na nabigong mahalal muli sa halalan noong 2025. Ang Silago ay isang bayan sa Southern Leyte na karatig ng Abuyog sa lalawigan ng Leyte. Mary Anne Sapico