Home NATIONWIDE P50M multa vs socmed platform na lalabag sa child safety, pinasasabatas

P50M multa vs socmed platform na lalabag sa child safety, pinasasabatas

6
0

MANILA, Philippines – Naghain ang mga lider ng House of Representatives ng panukalang batas na magpapataw ng multang aabot sa P50 milyon sa mga social media platform na mabibigong sumunod sa mga pamantayan sa online child safety.

Inihain nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Majority Leader Sandro Marcos ang House Bill No. 9965 o Children’s Social Media Safety Act, na naglalayong magtatag ng komprehensibong regulasyon sa paggamit ng social media ng mga bata sa pamamagitan ng mas mahigpit na pananagutan ng mga platform, parental supervision, at digital safety standards.

Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal sa mga batang may edad 13 pababa ang paggawa at paggamit ng social media accounts. Inaatasan din ang mga platform na magpatupad ng maaasahang age verification system. Samantala, ang mga edad 13 hanggang wala pang 18 ay papayagang gumamit ng social media kung may beripikadong pahintulot at tuloy-tuloy na pangangasiwa ng magulang o guardian.

Inaatasan din ang mga social media platform na magbigay ng parental control tools, ipatupad ang pinakamahigpit na privacy settings para sa mga menor de edad, higpitan ang geolocation sharing at financial transactions, protektahan ang personal na datos ng mga bata, at kontrolin ang paggamit ng algorithms upang mabawasan ang exposure sa mapanganib o mapanlinlang na content.

Ang mga lalabag ay maaaring pagmultahin ng P5 milyon hanggang P50 milyon. Sa paulit-ulit o seryosong paglabag, maaari ring pansamantalang paghigpitan o ipagbawal ang operasyon ng social media platform sa Pilipinas, alinsunod sa due process.

Inihain ang panukala matapos ang school shooting sa Tacloban City na muling nagbukas ng usapin tungkol sa exposure ng mga kabataan sa marahas na content sa internet.

“If we will allow Filipino children to explore the online world, they should be given sufficient protections,” ani Dy.

“Kung may batas tayong nagpoprotekta sa mga bata sa paaralan, sa lansangan, at sa ating mga komunidad, dapat mayroon din tayong malinaw na proteksiyon habang sila ay gumagamit ng social media,” dagdag niya. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here