MANILA, Philippines – Inalis na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang shellfish ban sa Daram, Samar matapos ang halos dalawang buwang pagbabawal, kasunod ng tatlong magkakasunod na linggong negatibo sa toxin na nagdudulot ng paralytic shellfish poisoning ang mga isinagawang pagsusuri.
“The public is hereby informed that shellfish samples harvested from these three bays (in the area) are now safe for human consumption. Likewise, gathering or harvesting and marketing of shellfish from the above-mentioned area are now permitted,” ayon sa BFAR Regional Office.
Ipinataw ang shellfish ban matapos magpositibo sa red tide ang mga shellfish samples na kinuha sa lugar noong unang bahagi ng Mayo.
Sinabi ng BFAR na magpapatuloy ang regular nitong monitoring sa mga karagatang sakop ng Daram upang mabantayan ang posibleng pagbabalik ng red tide.
Samantala, nananatiling umiiral ang shellfish ban sa Irong-Irong Bay sa Catbalogan City, Samar; sa baybaying dagat ng Biliran Island sa Biliran; sa Matarinao Bay na sumasaklaw sa mga bayan ng General MacArthur, Quinapondan, Hernani, at Salcedo sa Eastern Samar; gayundin sa Dumanquilas Bay sa Zamboanga del Sur at Tantanang Bay sa Zamboanga Sibugay dahil nananatiling positibo sa red tide toxins ang mga sample ng tubig-dagat at shellfish.
Pinayuhan ng BFAR ang publiko na huwag mangolekta, magbenta, o kumain ng anumang uri ng shellfish, kabilang ang maliliit na hipon, mula sa mga lugar na nananatiling may shellfish ban.
Ayon pa sa ahensya, ligtas kainin ang isda, pusit, hipon, at alimango kung sariwa, malinis na nahugasan, at natanggalan ng hasang at iba pang laman-loob bago lutuin. Santi Celario