NEGROS ORIENTAL, Philippines – Kinumpirma ng mga opisyal na may mga kaso ng African Swine Fever (ASF) sa Bacolod City at La Libertad, Negros Oriental, kaya lalo pang pinaigting ang biosecurity at border control upang pigilan ang pagkalat ng sakit.
Sa Bacolod, nagpositibo sa ASF ang mga baboy sa Barangay Alijis at Barangay Taculing matapos suriin ang blood samples ng apat na baboy sa laboratoryo ng Department of Agriculture (DA)-Western Visayas sa Iloilo.
Magsasagawa ng random testing sa iba pang baboy sa lungsod upang malaman ang lawak ng pagkalat ng ASF. Ang mga magpopositibo ay ililibing at ididisimpekta ang lugar kung saan sila natagpuan.
Samantala, kinumpirma rin ni Negros Oriental Governor Manuel Sagarbarria ang ASF sa bayan ng La Libertad, bagama’t hindi niya sinabi kung ilang baboy ang apektado. Patuloy ding sinusuri ang mga blood sample mula sa Sibulan at Amlan.
May bisa pa rin ang executive order ng gobernador na nagbabawal sa pagpasok ng mga buhay na baboy, produktong baboy, by-products, frozen boar semen, at mga sasakyang panghakot ng baboy mula sa mga lugar na may ASF.
Sa Negros Occidental, kinumpirma rin ni Governor Eugenio Jose Lacson ang muling pagbalik ng ASF, lalo na sa timog na bahagi ng lalawigan. Ayon sa provincial veterinarian, 1,902 baboy ang namatay sa 12 lugar hanggang Hunyo 25, ngunit hindi lahat ay nakumpirmang dahil sa ASF dahil marami ang hindi nasuri. Gayunman, ang mga sintomas ng mga namatay na baboy ay kahawig ng ASF at hog cholera. RNT/MDS