Home METRO Ginulping grade 7, nanaksak ng 2 estudyante sa Pangasinan

Ginulping grade 7, nanaksak ng 2 estudyante sa Pangasinan

1
0

MANILA, Philippines — Sugatan ang dalawang estudyante matapos silang saksakin umano ng isang Grade 7 student na naunang pinagtulungang bugbugin sa Mapandan, Pangasinan, Martes ng gabi, Nobyembre 10.

Batay sa imbestigasyon ng Mapandan Police, nasa plaza ang grupo ng Grade 7 student nang dumating ang grupo ng mga mag-aaral sa Grade 8 at Grade 9.

Bigla umanong pinagsusuntok ng kabilang grupo ang nakababatang estudyante.

Nang makawala sa pambubugbog, bumunot umano ng patalim ang Grade 7 student at sinaksak ang dalawa niyang kaalitan.

Nagtamo ng isang saksak sa dibdib ang Grade 8 student, habang nasugatan naman sa dibdib at tagiliran ang Grade 9 student.

Agad na isinugod ang dalawang biktima sa Mapandan Community Hospital, habang tumakas naman ang Grade 7 student matapos ang insidente.

Sa isinagawang follow-up operation, natunton ng pulisya ang menor de edad sa Barangay Apaya sa tulong ng kanyang ina.

Narekober din ang kutsilyong ginamit umano sa pananaksak.

Dinala ang estudyante sa kustodiya ng Women and Children Protection Desk (WCPD), habang nakipag-ugnayan ang pulisya sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa kaukulang proseso at pagsusuri sa kanyang kaso.

Samantala, patuloy na nagpapagaling sa ospital ang dalawang nasugatang estudyante habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here