MANILA, Philippines – INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. , araw ng Huwebes (oras sa Canada) ang pag-angat ng ugnayan ng Pilipinas at Canada sa antas ng Strategic Partnership.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos ang pakikipagpulong kay Canadian Prime Minister Mark Carney sa Vancouver Convention Centre.
“Inutasan namin ang aming mga Foreign Minister na bumalangkas ng isang Plan of Action upang maisulong ang aming magkatuwang na pangako na magtulungan sa pag-angkop sa nagbabagong kalagayan sa daigdig, pagtugon sa mga magkakaparehong hamon, at pagpapaunlad ng mga kakayahang kailangan para sa isang handa at matatag na partnership sa hinaharap,” ang pahayag ni Pangulong Marcos sa isang joint press statement kasama si Carney.
“Kinikilala namin na ang matatag na kooperasyon sa larangan ng depensa at seguridad ang nagsisilbing pundasyon ng patuloy na pagpapatibay ng ugnayan ng ating dalawang bansa. Ang mga mahahalagang hakbang na naisakatuparan sa larangang ito ay nagpapatunay sa ating magkatuwang na pangako na matiyak na ang ating mga mamamayan ay patuloy na mamumuhay sa isang mapayapa at ligtas na rehiyon,” ayon pa rin sa Pangulo.
Sinabi ng Pangulo na ikinatuwa nila ni Prime Minister Carney ang paglagda sa Status of Visiting Forces Agreement noong Nobyembre 2025 sa Maynila, gayundin ang paglagda sa Mutual Logistics Support Arrangement at Statement of Intent on Strengthening Defense Cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Canada.
Binigyang-diin din ng Pangulo na ang isang Strategic Partnership ay hindi lamang nasusukat sa lalim at tibay ng ugnayan ng dalawang bansa, kundi maging sa pagiging maaasahan ng kanilang samahan.
Inihayag pa ng Punong Ehekutibo na kapwa nila binigyang-halaga ni Prime Minister Carney ang pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific, gayundin ang mas pinaigting na pakikilahok ng Canada sa rehiyon sa ilalim ng Indo-Pacific Strategy (IPS).
Pinasalamatan din ng Pangulo ang Canada para sa Dark Vessel Detection (DVD) Program na ipinatutupad nito sa Pilipinas upang makatulong sa paglaban sa Illegal, Unreported, and Unregulated Fishing (IUUF) at sa pagpapalakas ng maritime domain awareness ng bansa.
Kasabay ng paggunita ng Pilipinas sa ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Tribunal Award sa South China Sea, nagpahayag din ng pasasalamat ang Pangulo as patuloy na suporta ng Canada sa isang rules-based order sa South China Sea, alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at sa pagpapanatili ng bisa ng umiiral na Arbitral Award.
Kinilala rin ng Pangulo ang mahalagang ambag ng mahigit isang milyong Pilipino sa Canada, na aniya ay nagsisilbi bilang “heart and soul of the Strategic Partnership between the Philippines and Canada.”
Ang Strategic Partnership ay isang pangmatagalang balangkas ng ugnayang diplomatiko na naglalayong palalimin ang kooperasyon ng mga bansa sa iba’t ibang larangan, kabilang ang depensa, ekonomiya, teknolohiya, at pulitika. KRIS JOSE