Home NATIONWIDE Halos 10K ARBs sa Bicol, tumanggap ng titulo ng lupa at P418M...

Halos 10K ARBs sa Bicol, tumanggap ng titulo ng lupa at P418M condonation

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agrarian Reform (DAR) na 10,000 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Bicol ang ganap nang nagmay-ari ng kanilang mga sakahang lupa at napalaya sa mahigit ₱418 milyon na utang sa amortisasyon matapos magsagawa ang DAR ng isa sa pinakamalaking pamamahagi ng mga tulong sa rehiyon.

Ayon sa DAR, idinaos sa Ibalong Centrum for Recreation ang pamamahagi ng 11,247 titulo ng lupa at Certificates of Condonation with Release of Mortgage (CoCRoMs) para sa 9,920 ARBs mula sa anim na lalawigan ng Bicol.

Saklaw ng mga ipinamahaging titulo ang 15,533.92 ektarya ng lupang agrikultural, habang umabot sa ₱418,204,839.93 ang kabuuang utang na nabura sa ilalim ng programa.

Ipinatupad ito sa bisa ng New Agrarian Emancipation Act (NAEA), na nagbibigay-daan upang tuluyan nang maging ganap na may-ari ng kanilang mga lupang sinasaka ang mga kwalipikadong ARBs nang hindi na pasan ang matagal nang amortisasyon.

Binigyang-diin ni DAR Field Operations Office Undersecretary Kazel C. Celeste ang mahalagang papel ng mga magsasaka sa seguridad sa pagkain ng bansa.

“Hindi kayo magsasaka lamang. Kayo ang nagpapakain sa buong bansa. Dahil sa inyong sipag at sakripisyo, may pagkain sa hapag ang bawat pamilyang Pilipino. Kaya nananatiling determinado ang pamahalaan na tiyaking tunay ninyong pagmamay-ari ang lupang inyong sinasaka at matatanggap ninyo ang suportang nararapat para sa inyo,” ani Celeste.

Kaugnay nito bukod sa pamamahagi ng mga titulo at condonation certificates, ipinagkaloob din ng DAR ang ₱294 milyong halaga ng mga farm-to-market road sa mga bayan ng Polangui, Libon, at Oas.

Inaasahang mapapadali ng mga proyektong ito ang pagdadala ng mga ani sa pamilihan para sa 1,243 ARBs at makikinabang din ang mahigit 11,000 residente sa mga kalapit na komunidad.

Samantala namahagi rin ang DAR ng mahigit ₱28.5 milyong halaga ng mga makinarya, kagamitang pansakahan, at agricultural inputs sa 51 Agrarian Reform Beneficiary Organizations (ARBOs) sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Project (CRFPSP) upang mapataas ang ani at mapalakas ang kakayahan ng mga magsasaka laban sa epekto ng climate change.

Ipinakikita ng magkakaugnay na serbisyong ito—seguridad sa lupa, pagbura ng utang, imprastrukturang pangkanayunan, at suporta sa produksyon—ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka, pataasin ang produktibidad ng agrikultura, at isulong ang pangmatagalang kaunlarang rural alinsunod sa layunin ng repormang agraryo ni Secretary Conrado Estrella III. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here