Home NATIONWIDE PBBM, Canadian PM Carney nagpulong kaugnay sa usapin ng free trade agreement

PBBM, Canadian PM Carney nagpulong kaugnay sa usapin ng free trade agreement

3
0

MANILA, Philippines – MULING pinagtibay ng Pilipinas at Canada ang kanilang pangakong tapusin ang negosasyon para sa isang Free Trade Agreement (FTA) ngayong tao, kasabay ng pagpapatuloy ng negosasyon para sa ASEAN-Canada Free Trade Agreement (ACAFTA), ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes (oras sa Canada).

“Muli naming pinagtibay ni Punong Ministro Carney ang aming pangako na tapusin ngayong taon ang negosasyon para sa isang bilateral na Free Trade Agreement, kasabay ng patuloy na negosasyon para sa ASEAN-Canada Free Trade Agreement. Pinagtibay rin namin ang aming pangako na palakasin ang kalakalan sa pagitan ng aming mga bansa, tutulan ang panggigipit sa ekonomiya, at bumuo ng matatag at matibay na supply chain.,” ang pahayag ng Pangulo sa joint press statement kasama si Canadian Prime Minister Mark Carney sa Vancouver Convention Centre.

Nagkaroon ng one-on-one meeting sina Pangulong Marcos at Prime Minister Carney nitong Huwebes ng umaga, kung saan tinalakay ang patuloy na pag-unlad ng bilateral relations at future partnership.

Aktibong isinusulong ng Pilipinas at Canada ang negosasyon para sa isang bilateral na FTA, na pormal na sinimulan noong huling bahagi ng 2025.

Pinabibilis ng dalawang bansa ang mga pag-uusap upang maisakatuparan ang kasunduan ngayong taon.

Kasabay nito, nagpapatuloy rin ang negosasyon para sa isang komprehensibong Canada-Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Free Trade Agreement (ACAFTA).

Kabilang sa mga pangunahing inaangkat ng Canada mula sa Pilipinas ang mga electronics at machinery habang kabilang naman sa pangunahing ini-export ng Canada sa Pilipinas ang mga mineral ore, karne, mga cereal, piyesa ng aerospace, at mga pataba. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here