MANILA, Philippines – Nakahanda na ang House Prosecution Panel sa pagpresenta sa witness nito sa unang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Lunes, Hulyo 6, 2026.
“We’re ready to present at least one witness on Monday. Kasi ang understanding naman po natin, one witness, one trial day. Pero kung kaya na po namin makakapagsalang ng dagdag pong witnesses para siyempre ma-expedite din po yung proceedings, it is something that we will do,” sinabi ni House Impeachment Prosecutor Rep. Terry Ridon.
Sinabi ni Ridon at ni private prosecutor at House impeachment legal spokesperson Benjamin Tolosa Jr. na sa Lunes, matapos mag-convene ang Senate impeachment court, ay inaasahang tatalakayin ang mga pending na isyu kabilang ang posibleng appointment ng presiding officer, at mga hiling ng prosecution panel na buksan ang selyadong kahon ng BIR at payagan ang private prosecutors na suriin ang mga witness.
Kasunod nito ay ibabahagi ni House lead impeachment prosecutor Rep. Gerville Luistro ang opening statement ng prosekusyon at susundan ng opening statement ng depensa.
Papayagan naman ang prosecution panel na ipresenta ang unang witness nito.
“Nagagalak po tayo na mukhang wala na talagang hadlang sa pagsisimula ng impeachment trial sa Lunes. Wala kaming nakikita na finile ng kabila na sasabihin nilang hindi totoo, wala ring announcement ang Senado na hindi matutuloy,” sinabi ni House Impeachment Prosecutor Rep Leila de Lima.
Desisyon na umano ni Duterte kung dadalo ito sa paglilitis.
“At the end of the day, we will leave it to the discretion of the impeachment court on whether or not to compel her to actually appear in person,” ayon kay Tolosa sa hiwalay na panayam nitong Biyernes.
“Siyempre, pagpapakita po iyon ng kawalang pagpapahalaga sa Senate Impeachment Court at doon po sa mga mabibigat na mga paratang na inihaharap laban sa kanya,” sagot naman ni Ridon nang tanungin kung hindi dadalo si Duterte sa paglilitis.
“Hindi na po ito House Committee on Justice. Senate impeachment court na po ito. Supposedly, bloodbath ang hinahanap, hindi ba? Parang yun pong magdadala ng bloodbath, iyon dapat pong nandoon. Hindi po mga abogado,” dagdag ni Ridon. RNT/JGC