MANILA, Philippines – Magtatalaga ang Land Transportation Office (LTO) ng mahigit 100 tauhan sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos–Undas 2026 upang matiyak ang kaligtasan sa kalsada at maayos na daloy ng trapiko sa inaasahang pagdami ng mga biyahero.
Kabilang sa ide-deploy ang 70 enforcer mula sa Law Enforcement Service, 50 miyembro ng Information, Education, and Communication team, at 18 tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).
Makikipagtulungan sila sa mga deputized personnel ng mga tollway upang bantayan ang mga pangunahing ruta, pasukan at labasan ng mga expressway, at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng mga motorista.
Saklaw ng operasyon ang Manila-Cavite Expressway, South Luzon Expressway, Skyway, STAR Tollway, North Luzon Expressway, Subic-Clark-Tarlac Expressway, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway, Cavite-Laguna Expressway at Philippine Economic Zone Authority–Tollway.
Magsasagawa rin ang LTO ng drug testing sa mga driver at real-time enforcement operations upang matukoy ang mga paglabag at agad na matugunan ang mga insidenteng maaaring makaapekto sa kaligtasan at daloy ng trapiko.
Dalawang yugto ang deployment: mula Oktubre 23 hanggang 27 at mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 4.
Ayon kay LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao, nakahanda ang kanilang mga tauhan na panatilihin ang kaayusan sa mga kalsada at tumugon sa mga posibleng aberya.
“Our personnel are on standby to maintain order on the roads and promptly respond to potential disruptions. We also urge the public to obey traffic laws and drive responsibly at all times,” aniya.
Sinabi ng ahensiya na patuloy nitong palalakasin ang koordinasyon sa mga katuwang na ahensiya upang maging maayos ang operasyon at mabilis na matugunan ang mga insidente.
Samantala, nauna nang inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagtalaga ng 2,419 tauhan para sa pamamahala ng trapiko at pagtulong sa publiko sa paligid ng limang pangunahing sementeryo: Manila North Cemetery, Manila South Cemetery, San Juan Public Cemetery, Loyola Memorial Park sa Marikina City at Bagbag Public Cemetery sa Quezon City.
Magsasagawa rin ang MMDA ng biglaang inspeksiyon sa mga bus terminal at drug testing sa mga bus driver bilang bahagi ng paghahanda nito para sa Undas. RNT/MDS