MANILA, Philippines – Ginagamit ng Baguio City bilang gabay ang desisyon ng Korte Suprema noong 2015 sa kasong Jose Ferrer Jr. v. Herbert Bautista sa pagbuo ng mga panukalang environmental fee para maiwasan ang pagiging unconstitutional.
Ipinawalang-bisa noon ng Korte Suprema ang garbage fee ng Quezon City dahil pantay-pantay ang singil kahit magkaiba ang dami ng basurang nalilikha.
Dahil dito, tiniyak ng Baguio City Council na ang mga bagong singil ay makatwiran, patas, at proporsyonal.
Sa deliberasyon noong Hunyo 29, iminungkahi ang pagtaas ng garbage collection fee mula P20 tungo sa P100 kada buwan, 16% wastewater regulatory fee base sa konsumo ng tubig, at P100 environmental user fee sa mga turista.
Gagamitin ang pondo para sa solid at liquid waste management, kabilang ang rehabilitasyon ng lumang sewage treatment plant na hindi na kayang linisin ang lahat ng wastewater sa Ilog Balili.
Nalagpasan na rin ng lungsod ang kapasidad nito sa basura, tubig, at lupain, kaya gumagastos ito ng P220.89 milyon noong 2025 para dalhin ang basura sa labas ng lungsod.
Sinuportahan ng 128 barangay ang panukala at makakatanggap sila ng 50% ng koleksyon. Pero nananawagan sina Vice Mayor Faustino Olowan at ilang konsehal na ibaba ang singil para manatiling abot-kaya sa mga residente, habang tinutulak naman ni Mayor Magalong ang circular economy at pag-recycle sa halip na magtayo ng landfill sa lungsod. Jocelyn Tabangcura-Domeden