Home TOP STORIES Inaasahang protesta, kaguluhan sa Italy, ibinabala ng PH embassy

Inaasahang protesta, kaguluhan sa Italy, ibinabala ng PH embassy

3
0

ROME, Italy – Pinayuhan ng Philippine Embassy sa Rome ang mga Pilipino sa Italy na mag-ingat dahil sa inaasahang mga protesta at kaguluhan sa ilang lungsod sa Sabado, Oktubre 24.

Kabilang sa mga lugar na inaasahang magkakaroon ng demonstrasyon ang Rome, Milan, Florence, Turin, Bologna, Padua, Bari at Genoa. Marami ring martsa at protesta ang inaasahan sa ilang bahagi ng Rome.

Ayon sa embahada, nauwi sa sagupaan sa pulisya, pagkasira ng mga ari-arian, pagnanakaw at iba pang kaguluhan ang ilang nagdaang protesta, bagama’t may mga demonstrasyong maaaring manatiling mapayapa.

Pinayuhan ang mga Pilipino na umiwas sa mga lugar ng protesta at malalaking pagtitipon, huwag lumahok o lumapit sa mga demonstrasyon, at iwasan ang hindi kailangang biyahe sa mga apektadong lugar.

Pinayuhan din silang planuhin ang biyahe upang makaiwas sa mga lugar ng protesta at maglaan ng dagdag na oras dahil sa posibleng pagsasara ng kalsada at pagkaantala ng pampublikong transportasyon.

Hinimok din ang mga Pinoy na subaybayan ang lokal na balita at opisyal na anunsyo, sundin ang mga awtoridad ng Italy, panatilihing naka-charge ang cellphone at makipag-ugnayan sa pamilya o mga pinagkakatiwalaang tao.

Pinayuhan silang ihanda at panatilihing madaling makuha ang mga ID, emergency contact details at mahahalagang gamot. Hinikayat din silang mag-imbak ng sapat na pagkain, inuming tubig, gamot at iba pang pangangailangan sakaling maantala ang pagbiyahe o pagkuha ng pangunahing serbisyo.

Sa oras ng emergency, maaaring tumawag sa 112 para sa Italian emergency services. Maaari ring makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Rome sa emergency hotline na +39 334 658 2118, o sa Philippine Consulate General sa Milan sa hotline na +39 389 683 5076.

Ayon sa embahada, patuloy nitong susubaybayan ang sitwasyon at maglalabas ng karagdagang abiso kung kinakailangan. Hinimok nito ang mga Pilipino na manatiling kalmado, mag-ingat at unahin ang kaligtasan ng sarili at pamilya.

Noong Oktubre 21, sinabi ng Department of Migrant Workers na nakikipag-ugnayan ito sa mga diplomatikong tanggapan ng Pilipinas sa Rome at Milan upang bantayan ang kalagayan ng mga Pilipino at magbigay ng tulong sa mga nangangailangan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here