MANILA, Philippines – Nanawagan ang Department of Health – Ilocos sa mga magulang na labanan ang maling impormasyon at ipa-bakuna ang mga batang edad 6 buwan hanggang 59 buwan sa gaganaping Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MRSIA) mula Agosto 10–28, 2026.
Layunin ng kampanya na mapataas ang bakunahan, maiwasan ang outbreak, at mabigyan ng proteksyon ang mga bata laban sa tigdas at rubella na parehong nakakahawa pero maiiwasan sa pamamagitan ng bakuna.
Ayon kay Regional Director Helen D. Tobias, paiigtingin ng mga health worker ang pagbibigay ng tama at batay sa siyensyang impormasyon.
Iginiit ng opisyal na libre, ligtas, at epektibo ang bakuna, at handa na ang DOH kasama ang mga LGU at partner para sa kampanya.
Hinikayat din niya ang publiko na kumuha lamang ng impormasyon mula sa DOH at mga lokal na health office.
Aniya, ang mataas na bilang ng nabakunahan ay magpoprotekta hindi lang sa mga bata kundi sa buong komunidad.
Panawagan ng DOH sa mga magulang: Dalhin ang mga kwalipikadong bata sa pinakamalapit na vaccination site sa loob ng nasabing petsa para sa isang mas ligtas at malusog na kinabukasan. Jocelyn Tabangcura-Domenden