Home NATIONWIDE Lacson: Alex Eala, ‘detoxifier,’ tagapagbuklod na kailangan ng bansa

Lacson: Alex Eala, ‘detoxifier,’ tagapagbuklod na kailangan ng bansa

3
0

MANILA, Philippines – Sa bisperas ng pagsisimula ng mapaghating impeachment trial ni Vice President Sara Duterte-Carpio, nakatikim ang bansa ng kinakailangang inspirasyon at pagkakaisa dahil sa tennis sensation na si Alex Eala, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Linggo.

Pinasalamatan ni Lacson si Eala sa pagpapataas ng diwang Pilipino matapos itong gumawa ng kasaysayan bilang unang Pilipinong manlalaro na umabot sa ikaapat na round ng isang Grand Slam singles tournament, tampok ang kanyang pagwawakas sa title defense ni Iga Swiatek.

“She is the detoxifier that our country’s highly toxic atmosphere needs and an influential unifier of a deeply divided nation. Thank you Alex Eala for lifting the Filipino spirit. God bless you and the Philippines,” ani Lacson sa X.

Umabante si Eala matapos wakasan ang title defense ni Swiatek noong Sabado sa gitna ng masigabong suporta mula sa mga kababayang nanood ng laban. Susunod niyang makakaharap ang ika-13 seed na si Jasmine Paolini para sa puwesto sa quarterfinals ng Wimbledon.

Nauna nang pinuri ni Lacson si Eala para sa kanyang breakthrough na panalo sa opening round ng Wimbledon, gayundin sa kanyang matinding pagbangon upang talunin si Maya Joint, at sinabing ang kanyang hindi matatawarang fighting spirit ay nagbibigay ng pagmamalaki sa bawat Pilipino.

Samantala, sinabi ni Lacson na ang impeachment trial ng Bise Presidente ay isang pagkakataon para magtulungan ang mga senador bilang isang institusyon sa kabila ng kanilang pagkakaiba.

“Pwede namang gawin yan na walang bangayan, walang ambahan. Maraming pamamaraan ng pag-argue, di ba sabi nga natin kung mag-disagree tayo at magbakbakan, bakbakan ng debate, hindi patutsadahan o insultuhan o personalan,” aniya sa panayam sa DZMM radio.

Aniya, ito rin ang panawagan ng majority bloc sa mga kasapi ng minority bloc sa ginanap na caucus ng lahat ng senador noong nakaraang Biyernes.

Sa naturang caucus, sinabi ni Lacson na muling inimbitahan ng majority bloc ang minority bloc na makiisa sa pagtatrabaho bilang isang institusyon. Sina Sen. Loren Legarda at Sen. Robinhood Padilla ang mga miyembro ng minority bloc na dumalo sa caucus.

“Panawagan namin, bakit hindi na tayo magtrabaho as 1 institution? Pwede tayong magdebate, magkainitan, pero at the end of the day ang Senado as institution ang kapakanan ng ating tingnan, yan ang bottom line,” aniya.

Sinabi rin ni Lacson na may pananagutan ang Senado sa taumbayan na tiyaking ang tinatayang P25 milyong ginagastos nito kada araw sa operasyon ay naisasalin sa de-kalidad na serbisyo publiko sa halip na sa alitan sa loob ng institusyon.

“Ang pinaka-bottom line na dapat naming iniisip, anong magagawa ng Senado para ma-compensate ang P25M a day na total na ginagastos sa staff, lahat. Ibalik natin sa pamamagitan ng serbisyo di sa pamamagitan ng away,” diin ni Lacson. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here