MANILA, Philippines – Handa na ang Senado sa unang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kabilang ang posibleng kilos-protesta sa labas ng kapulungan, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian nitong Lunes.
Sa isang panayam matapos ang flag-raising ceremony sa Senado, sinabi ni Gatchalian na nakalatag na ang mga hakbang para sa seguridad at crowd control habang muling nagpapatuloy ang pagdinig ng Senado bilang impeachment court.
“Pinaghandaan din ‘yan, the eventuality is that much,” pahayag ni Gatchalian, kaugnay ng inaasahang public actions sa labas ng Senado.
Sinabi ni Gatchalian na humingi rin ng suporta ang Senado sa Philippine National Police upang matiyak na magiging maayos ang mga demonstrasyon.
“So humingi rin kami ng support para masigurado na orderly din ‘yung mga demonstration,” aniya.
Nang tanungin kung siya ang mamumuno sa impeachment court, sinabi ni Gatchalian na nakasaad sa rules ng Senado na ang Senate President ang magsisilbing presiding officer.
“Like I said, sa rules natin, tayo po ang mag-represide sa impeachment court,” ani Gatchalian.
Tumanggi naman si Gatchalian na pangunahan ang impeachment court sa mga nakabinbing usapin, at sinabing ang mga ito ay dapat resolbahin ng korte.
Pinahalagahan din niya ang pagdalo ng mga senador sa all-senator caucus bago ang proceedings, kabilang sina Senators Loren Legarda at Robin Padilla, na aniya ay maaaring indikasyon ng kanilang paglahok sa trial.
Sinabi rin ni Gatchalian na wala siyang natanggap na impormasyon na may minority senators na hindi dadalo o magbo-boycott sa proceedings.
“Wala naman. Wala naman akong nakuhang ganun,” pahayag niya.
Ayon sa Senate President, nagkaroon ng “good discussions” at ilang suhestiyon sa caucus upang matiyak ang maayos na pag-usad ng impeachment process.
Dagdag pa niya, patuloy ding tinututukan ng Senado ang mahahalagang usapin, kabilang ang national budget, kasunod ng pangangailangang tugunan ang mga suliraning pang-ekonomiya habang bumabagal ang paglago. RNT