Home METRO Batac City public market, nilamon ng apoy

Batac City public market, nilamon ng apoy

5
0

ILOCOS NORTE – Umaabot sa 200 stall owners ang nawalan ng puwesto matapos tupukin ng apoy ang main building ng Batac City public market sa Ilocos Norte nitong Linggo ng gabi.

Ayon sa mga awtoridad, iniulat ang sunog sa pamamagitan ng 911 bandang alas-9:07 ng gabi at idineklarang under control dakong alas-10:18 ng gabi matapos rumesponde ang nasa 27 firetrucks mula sa iba’t ibang bahagi ng Ilocos Norte. Idineklarang fire out ang sunog alas-6 ng umaga nitong Lunes.

Sinabi ni Fire Inspector Heinrich Gudoy, Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection, na nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng public market, partikular sa carinderia o food section. Patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog.

Natupok ng apoy ang buong main building ng Batac public market at naapektuhan ang nasa 200 stall owners. Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi.

Ayon kay Batac City Mayor Mark Christian Chua, pansamantalang ililipat ang mga apektadong vendors sa bagong Bagsakan Center malapit sa palengke upang makapagsimulang muli sa kanilang hanapbuhay habang isinasagawa ang recovery efforts.

Pinag-aaralan din ng city government at City Council ang posibleng pagdedeklara ng state of calamity upang magamit ang mga available government resources at mapabilis ang tulong sa mga naapektuhang vendors.

“To our affected vendors, the City Government of Batac stands with you in this difficult time. We are now assessing the extent of the damage and mobilizing all available resources to provide the necessary assistance and support,” pahayag ni Chua nitong Lunes.

Nanawagan din si Chua sa publiko na iwasan muna ang market area dahil maaaring makasama pa sa kalusugan ang usok mula sa sunog.

“We will immediately begin clearing and cleaning operations once we receive the go signal from the BFP,” dagdag niya.

Umapela naman ang mga apektadong vendors ng patuloy na tulong habang sinisikap nilang maisalba ang natira sa sunog at muling maibangon ang kanilang negosyo. Hinimok din ng mga awtoridad ang publiko na manatiling mapagmatyag at sumunod sa fire safety measures sa mga palengke at commercial establishments. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here