Home NATIONWIDE Hakbang ng Sandiganbayan sa pag-aresto kay Marcoleta, iginagalang ni PBBM

Hakbang ng Sandiganbayan sa pag-aresto kay Marcoleta, iginagalang ni PBBM

3
0
Boluntaryong nagtungo upang sumuko ngayong Lunes ng umaga, Hulyo 6, 2026, si Senador Rodante Marcoleta sa hurisdiksyon ng Sandiganbayan matapos maglabas ang anti-graft court ng warrant of arrest laban sa kaniya kaugnay ng kinakaharap na kasong plunder. DANNY QUERUBIN

MANILA, Philippines – GINAGALANG ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang naging hakbang ng Sandiganbayan Third Division na magpalabas ng arrest order laban kay Sen. Rodante Marcoleta kaugnay ng non-bailable plunder charges laban sa kaniya dahil sa umano’y hindi pagdedeklara ng P75 milyon na campaign donations.

“Kung iyan po ang isinasaad at sinasabi ng batas at iyan naman po ang kautusan ng korte, iyan naman po ay irerespeto ng Pangulo,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, araw ng Lunes, Hulyo 6.

Nauna rito, inaresto si Marcoleta sa bisa ng arrest order na ipinalabas ng Sandiganbayan.

Sakop din ng arrest order ang dating mambabatas na si Mike Defensor at dalawang negosyante.

Kinumpirma ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group ang pag-aresto kay Marcoleta at sinamahan siya sa courtroom para sa return of warrant.

Ayon sa abogado ni Marcoleta, sumuko bilang “act of good faith” ang senador dahil nasa bisinidad na ito ng Sandiganbayan nang ilabas ang arrest order.

Sinabi ni Associate Justice Karl Miranda na ibinasura ang mga mosyon matapos matukoy ng korte na may probable cause sa kasong plunder. Ikukulong ang mga respondent sa Quezon City Jail sa Payatas, kung saan kasalukuyang nakakulong sina Senator Jinggoy Estrada at former Senator Ramon Bong Revilla Jr.

Binigyan din ng korte ang prosekusyon ng tatlong araw para magsumite ng komento sa mga mosyon nina Marcoleta, Defensor, at Espiritu na humihiling na ibasura ang information na nagsasakdal sa kanila ng plunder.

Nag-ugat ang kaso sa alegasyong tumanggap si Marcoleta, na noon ay nakaupong kongresista, ng P75 milyon na campaign donations mula kay Defensor at mga negosyante ngunit hindi ito idineklara sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.

Sa ilalim ng Anti-Plunder Act, maaaring kasuhan ang isang public official kung mapatutunayang nakaipon ito ng hindi bababa sa P50 milyon na umano’y ill-gotten wealth.

SAMANTALA, umaasa naman ang Malakanyang na igagalang ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang desisyon ng Sandiganbayan na arestuhin ang kapatiran nilang si Marcoleta.

“Alam po natin ang liderato ng INC ay gumagalang po kung ano ang sinasabi rin po ng korte, kung ano po ang sinasabi ng batas. So, mananatili po tayo sa paniniwala na ang nangyayari po at ang pagpapatupad lamang ng batas ay igagalang din pong liderato ng INC,” ayon kay Castro. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here