Home NATIONWIDE Bagong PWD ID, pwedeng i-scan para sa maberipika — NCDA

Bagong PWD ID, pwedeng i-scan para sa maberipika — NCDA

1
0

MANILA, Philippines — Maaari nang gamitin ng mga negosyo at establisimyento ang QR code ng bagong unified digital identification card ng persons with disabilities (PWDs) upang matiyak ang pagiging lehitimo nito, ayon sa National Council on Disability Affairs (NCDA).

Sa ilalim ng Unified Persons with Disabilities Identification System (UPWDIS), may natatanging QR code ang bawat digital ID na maaaring i-scan upang ma-verify ang impormasyon ng cardholder sa centralized database ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay NCDA spokesperson Atty. Walter Jason Alava, layunin ng sistema na mapigilan ang paggamit ng mga pekeng PWD ID at maprotektahan ang mga benepisyong nakalaan sa mga lehitimong PWD.

Sa panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, Nobyembre 11, nilinaw ni Alava na hindi dapat basta tanggihan ng mga establisimyento ang PWD discount dahil lamang sa pagdududa sa ipinakitang ID.

Batay sa legal na opinyon ng Department of Justice (DOJ) na binanggit ni Alava, dapat pairalin ang presumption of regularity sa mga ipinapakitang PWD identification card.

Maaaring magsagawa ng karagdagang verification ang mga negosyo kung may makatwirang pagdududa sa pagiging tunay ng ID.

Samantala, sinabi ng NCDA na kailangang personal na magparehistro sa mga lokal na pamahalaan ang mga nais kumuha ng unified digital PWD ID habang pinag-aaralan pa ang pagpapahusay sa online registration system.

Maaaring magtungo ang mga aplikante sa Persons with Disability Affairs Office (PDAO) o local social welfare office sa kanilang lugar.

Para sa mga mayroon nang PWD ID na hindi pa expired, maaari nilang dalhin ang kasalukuyang identification card bilang bahagi ng pagpaparehistro.

Maaari ring humiling ng printed physical ID ang mga rehistradong PWD na nais magkaroon ng aktuwal na card.

Ang bagong sistema ay bahagi ng mga reporma ng pamahalaan upang mapigilan ang pamemeke ng PWD ID at mapangalagaan ang karapatan ng mga taong may kapansanan sa mga diskuwento at iba pang benepisyo. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here