MANILA, Philippines – DEDMA lang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa magiging takbo ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa katunayan, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, araw ng Lunes, Hulyo 6. na hindi naman kailangan na mag-monitor pa ng Pangulo sa bagay na ito lalo pa’t malalaman din naman aniya kung ano ang magiging balita patungkol dito.
Binigyang diin ni Castro na “Mas marami pong dapat na trabahuhin ang ating Pangulo at hindi po siya uupo lamang para po manood ng impeachment trial.”
Hinggil naman sa kung ano ang iniisip ngayon ng Pangulo kay VP Sara na kanyang naging kaalyado sa pagtakbo sa halalan noong 2022 presidential elections, sinabi ni Castro na “kung may kinakailangan pong sagutin ay dapat lamang pong sagutin. Kung kaya naman po na malinis ang mga pangalan ay dapat lamang pong gawin. Mas maganda pong humarap sa nasabing trial para po siya na mismo ang sumagot ng mga akusasyon laban sa kaniya.”
Sa kabilang dako, Hindi kasi basta-bastang kaso ang nakahain laban kay VP Sara.
Nariyan ang umano’y maling paggamit ng P612.5M confidential funds, alegasyon ng unexplained wealth, bribery at umano’y pagbabanta laban mismo kay Pangulong Marcos.
Sa mata ng taumbayan, hindi lang ito usapin ng pera kundi usapin ng kapangyarihan, tiwala, at integridad ng pamahalaan.
Kung mapapatunayan ang mga paratang, tanggal si VP Sara sa puwesto at habambuhay nang madi-disqualify sa anumang posisyon sa gobyerno. Kung mapawalang-sala, mananatili siya bilang Bise Presidente, ngunit tiyak na mababahiran ng kontrobersya ang kanyang pamumuno.
Ang impeachment trial na ito ay higit pa sa legal na proseso. Ito’y salamin ng krisis sa pamumuno at accountability. Sa harap ng alegasyon ng maling paggamit ng pondo, nakasalalay sa Senado ang bigat ng desisyon.
Ang hatol ng Senado ay hindi lang legal na desisyon, ito’y political verdict na magtatakda kung may puwang pa si VP Sara sa pambansang pulitika. KRIS JOSE