Home NATIONWIDE 1,000 benepisyaryo ng 4PH tumanggap ng titulo ng lupa

1,000 benepisyaryo ng 4PH tumanggap ng titulo ng lupa

2
0

MANILA, Philippines – TUMANGGAP na ng kanilang Transfer Certificate of Title (TCT) ang 1,000 benepisyaryo ng pangunahing programang pabahay ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH).

Sa press briefing sa Malakanyang, araw ng Lunes, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na patuloy na lumalawak ang programa at mas maraming Pilipino ang nagkakaroon ng sariling titulo ng lupa.

“Informal settlers no more…” ani Castro, na nagbibigay-diin sa pangmatagalang epekto ng programa sa pamilya ng mga informal settler.

Idinagdag ni Castro: “Dahil sa ilalim ng expanded 4-PH program ng Pangulo, mas maraming Pilipino na ang nakakamit ang kanilang hinahangad na titulo.”

Sinabi pa ni Castro: “Pangarap lang noon pero reyalidad na ngayon… ganito mailalarawan ang magandang bunga ng expanded 4-PH program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mga naging benepisyaryo nito.”

Sinabi ni Castro na mahigit 200 benepisyaryo mula sa San Isidro Labrador Homeowners Association at mahigit 800 benepisyaryo mula sa Sitio Santo Niño sa Antipolo ang tumanggap kamakailan ng kanilang mga titulo ng lupa sa isang awarding ceremony na pinangunahan ng Social Housing Financing Corporation (SHFC).

Ayon pa kay Castro, may ilang benepisyaryo na mahigit 25 taon nang naghihintay na magkaroon ng sariling titulo ng lupa.

“Para sa ibang benepisyaryo, mahigit 25 years ang kanilang hinintay para makamit ang pangarap na titulo ng lupa,” wika ni Castro.

Inihayag  pa ng Palace Press Officer na ipinatutupad ang programa sa pangunguna ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Patuloy din anya, na pinabibilis ng kagawaran ang pamamahagi ng mga titulo at pabahay sa ilalim ng pamumuno ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling.

Binigyang-diin ni Castro na hindi lamang pamamahagi ng lupa ang layunin ng programa kundi ang pagbibigay din ng mas maayos na pamumuhay sa mga Pilipino.

“Disenteng tahanan at pamumuhay na may dignidad para sa lahat… Ito ang layunin ng programang pabahay ni Pangulong Marcos Jr. para sa mga Pilipinong patuloy na nagsisikap at nangangarap,” diin ni Castro. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here