Home HOME BANNER STORY Malacañang, naniniwalang igagalang ng INC pagkakaaresto ni Marcoleta

Malacañang, naniniwalang igagalang ng INC pagkakaaresto ni Marcoleta

4
0

MANILA, Philippines – NAGPAHAYAG ng kumpiyansa ang Malacañang na igagalang ng liderato ng Iglesia ni Cristo (INC) ang desisyon ng korte na arestuhin si Sen. Rodante Marcoleta, sabay sabing ang pagsunod sa rule of law ay dapat manaig anuman ang political o religious affiliations.

Inihayag ito ni Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro matapos arestuhin ng mga awtoridad si Marcoleta noong Lunes, matapos ibasura ng Sandiganbayan 3rd Division ang inihain niyang motion for reconsideration sa arrest warrant dahil sa plunder case na isinampa laban sa kanya sa Office of the Ombudsman.

“Tayo po, unang-una, ayaw po nating sumagot ng hypothetical question dahil alam po natin, ang liderato ng INC ay gumagalang po—kung ano ang sinasabi rin po ng korte, kung ano po ang sinasabi ng batas,” ang sinabi ni Castro matapos tanungin sa posibilidad na muling maglunsad ng rally ang INC bilang pagsuporta kay Marcoleta.

“So, mananatili po tayo sa paniniwala na ang nangyayari po at ang pagpapatupad lamang ng batas ay igagalang din po ng liderato ng INC,” aniya pa rin.

Nag-ugat ang kaso ni Marcoleta sa alegasyong tumanggap ito, na noon ay nakaupong kongresista, ng P75 milyon na campaign donations mula kay Defensor at mga negosyante ngunit hindi ito idineklara sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.

Sa ilalim ng Anti-Plunder Act, maaaring kasuhan ang isang public official kung mapatutunayang nakaipon ito ng hindi bababa sa P50 milyon na umano’y ill-gotten wealth.

Winika pa ni Castro na ginagalang ng Pangulo ang desisyon ng korte at kinikilala ang kalayaan ng hudikatura.

“Kung iyan po ang isinasaad at sinasabi ng batas at iyan naman po ang kautusan ng korte, iyan naman po ay irerespeto ng Pangulo,” ang tinuran pa rin ni Castro.

Idinagdag pa niya na walang diskresyon ang Executive branch pagdating sa pagpapatupad ng lawful court orders.

“Kung inisyu po ito ng korte, ito’y valid warrant of arrest; wala pong magagawa ang Ehekutibo kundi ito ay i-enforce,” ang sinabi ni Castro.

Samantala, nasa korte na aniya at Senado ang pagtugon sa sinasabing “timing” ng pag-aresto kay Marcoleta, na nataon sa pagsisimula ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

“Nasa kamay na po iyan ng Senado,” aniya pa rin. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here