MANILA, Philippines – Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi nagsampa ng reklamo ang gobyerno ng Pilipinas laban sa mga ‘bastos’ na Filipino protesters na nang-harass sa kanya sa panahon ng opisyal na pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Canada.
Ani Castro, ginagalang ng gobyerno ang karapatan sa malayang pamamahayag ng mga protester at nagdesisyon na huwag ituloy ang legal action.
“Wala kaming finile na complaint,” ang sinabi ni Castro sa isang panayam.
Inamin ni Castro na nagulat siya sa bastos na ugali ng mga protesters subalit mas pinili niyang ipagwalang-bahala ang insidente.
Aniya, walang siyang kaalam-alam na nag-viral na ang video sa social media kung saan makikita na pinaulanan ng masasasakit na salita at pinagmumura si Castro ng mga protesters sa Canada.
“Noong una, binalewala na lang namin. Sabi namin, siguro parte iyan. Kasi hindi ko naman alam na magba-viral siya,” anito.
Dismayado aniya siya sa inasal ng mga protesters, binigyang diin na habang malaya ang mga ito na ihayag ang kanilang pananaw ay pinaulanan naman siya ng mga personal na pag-atake, pagmumura at ipinanalangin pa na siya’y mamatay.
Aniya, ang ugali ng mga filipino protesters ay hindi sumasalamin sa karamihan sa mga filipino at maaaring makadungis pa sa imahe ng Pilipinas sa ibang bansa.
“Hindi lang namin inaasahan na magiging gano’n kawalang-galang ang mga Pilipino na nandoon sa ibang bansa. Sabi nga natin puwede naman sila magsalita pero huwag lang ‘yung ipapanalangin na mamatay ang isang tao at mumurahin ka na mga ilang beses,” aniya pa rin.
“Hindi kasi ganun yung ugali ng ‘yung totoong Pilipino na alam natin. Hindi tayo ganun eh. So, hindi namin alam kung may kumukumpas sa kanila, may nagbabayad sa kanila,” dagdag na wika ni Castro.
Sa kabilang dako, wala namang balak si Castro na tukuyin pa ang pagkakakilanlan ng mga protesters sa kabila ng mga naglutangang larawan ng mga ito na kumakalat ngayon sa online.
Ani Castro, wala siyang impormasyon hinggil sa may ilang protesters ang maaaring maharap sa legal action o deportasyon sa Canada.
At sa tanong naman kung tutulungan ng gobyerno ng Pilipinas ang mga protesters kapag naharap ang mga ito sa legal na usapin sa Canada, sinabi ni Castro na bahala na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa bagay na ito.
“So, ‘yung update doon, kung kakasuhan o ipapa-deport, wala talaga akong information about that. At wala naman ako ina-update. Hindi ako nagpapa-update. So, wala naman,” ayon kay Castro. (KRIS JOSE)