MANILA, Philippines – Pinayagan ng Regional Trial Court sa Lapu-Lapu City, Cebu na magpiyansa ng ₱1 milyon ang kontrobersyal na contractor na si Sarah Discaya sa kasong malversation at paglabag sa anti-graft law kaugnay ng umano’y ghost project sa Davao Occidental.
Pinayagan ding magpiyansa ng ₱300,000 si Czar Ryan Ubungen, finance officer ng DPWH-Davao Occidental.
Ayon sa korte, kulang pa ang ebidensiya ng prosekusyon upang patunayang direktang sangkot si Discaya sa pamemeke ng mga dokumento o pakikipagsabwatan sa iba pang akusado. Sinabi rin ng isang testigo ng prosekusyon na wala siyang personal na kaalaman sa umano’y partisipasyon ni Discaya sa proyekto.
Samantala, tinanggihan ng korte ang kahilingan sa piyansa ng walong iba pang akusado, kabilang ang ilang opisyal ng DPWH at isang opisyal ng St. Timothy Construction, dahil malakas umano ang ebidensiya laban sa kanila.
Nilinaw ng korte na ang pagpapahintulot sa piyansa ay hindi nangangahulugang inosente ang akusado, at ang pagtanggi naman sa piyansa ay hindi rin nangangahulugang awtomatiko silang mapapatunayang nagkasala.
Patuloy pa ring haharap si Discaya sa isa pang non-bailable na kaso sa Bulacan kasama ang kanyang asawa na si Pacifico “Curlee” Discaya, kaugnay ng umano’y ₱53.9 milyong ghost project sa Calumpit. RNT/MDS