MADRID, Spain – Magiging madilim ang kalangitan sa ilang bahagi ng hilagang Spain sa Agosto 12 dahil sa isang kabuuang solar eclipse, ang unang makikita sa mainland Europe mula noong 2006.
Nagaganap ang solar eclipse kapag dumaan ang Buwan sa pagitan ng Araw at Daigdig, kaya natatakpan nito ang Araw at nagdudulot ng panandaliang pagdidilim, pagbaba ng temperatura, at kakaibang anino. Makikita rin ang corona, o panlabas na bahagi ng Araw.
Magsisimula ang eclipse sa hilagang Russia bago dumaan sa Greenland, Iceland, Spain, at hilagang-silangang Portugal. Sa Spain, tatawid ito mula Oviedo hanggang Mallorca.
Sa Spain, tatagal ang kabuuang eclipse nang mas mababa sa dalawang minuto bago lumubog ang araw. Sa Burgos, aabot ito sa 1 minuto at 48 segundo. Ang bahagyang eclipse naman ay tatagal ng humigit-kumulang 1 oras at 45 minuto at makikita rin sa malaking bahagi ng Europe, Canada, hilagang Estados Unidos, at hilagang-kanlurang Africa.
Bagama’t may isa o dalawang solar eclipse halos bawat taon, bihirang maranasan ng isang lugar ang kabuuang eclipse dahil makitid lamang ang dinaanan nito. Maaari pang umabot ng 400 taon bago muling makakita ng isa ang parehong lugar.
Pinaalalahanan ng mga eksperto ang publiko na huwag tumingin nang direkta sa Araw habang may eclipse dahil maaari itong magdulot ng permanenteng pinsala sa mata. Gumamit lamang ng eclipse glasses na may ISO 12312-2:2015 certification para sa ligtas na pagmamasid. RNT/MDS