Home NATIONWIDE 46 MPs sa ilalim ng bagong BARMM coalition itataguyod ang inclusive Bangsamoro...

46 MPs sa ilalim ng bagong BARMM coalition itataguyod ang inclusive Bangsamoro — Macacua

1
0

DAVAO CITY — Sinabi ni Bangsamoro Interim Chief Minister Abdulraof Macacua na bubuo ng inklusibong pamahalaang magtataguyod ng pagkakaisa sa magkakaibang pwersang pulitikal at maglilingkod sa lahat ng komunidad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang 46 elected members ng parliyamento kasunod ng paglagda ng mga ito sa dokumento ng koalisyon.

Sa isang press briefing ngayong Miyerkoles, Oct. 14 sa lungsod na ito ay isinaad ni Macacua na uunahin ng koalisyon ang pagkakaisa ng mga Bangsamoro matapos ang kauna-unang parliamentary elections sa rehiyon.

Binigyang-diin niya na dapat maglingkod ang pamahalaan sa lahat ng mamamayan, anoman ang kanilang kinabibilangang partido o sinuportahang kandidato noong halalan.

“Matapos ang pormal na pag-upo ng Government of the Day, isusulong natin ang isang programa para sa pagkakaisa ng lahat ng Bangsamoro,” sabi ni Macacua.

Inilarawan niya ang koalisyon bilang malawak at inklusibong pamahalaan na sasalamin sa pagkakaiba-iba ng rehiyon at sa pangangailangang magtulungan ang mga Bangsamoro leader sa kabila ng mga hidwaan noong kampanya.

Ayon kay Macacua, hindi lamang ang mga bumoto sa mga miyembro ng koalisyon ang kanilang paglilingkuran, kung hindi pati na rin ang bawat komunidad, lalawigan, at sektor sa buong Bangsamoro.

Sinabi niyang makikipag-ugnayan ang koalisyon sa iba pang mga grupo, aayusin ang mga hidwaan at bubuo ng pamahalaang tutugon sa pangangailangan ng buong populasyon ng BARMM.

Kasabay nito, naghahanda na rin ang bagong halal na parliyamento upang buuin ang unang ganap na halal na parliamentary government ng rehiyon, isang mahalagang yugto sa paglipat ng BARMM mula sa pansamantalang administrasyon tungo sa regular na pamahalaan.

Ang 80-miyembrong Bangsamoro Parliament ay nabuo matapos ang halalan noong Setyembre 14, kung saan walang iisang partido ang nakakuha ng 41 puwestong kailangan upang makontrol ang mayorya.

Dahil dito, mahalaga ang pagbuo ng koalisyon upang makapagtatag ng mayoryang susuporta sa pamahalaan.

Lumagda sa dokumento ng koalisyon ang 46 na mambabatas, na lagpas sa 41 puwestong kakailanganin upang magkaroon ng mayorya sa 80-miyembrong parliyamento.

Ang Bangsamoro Federalist Party, na pinamumunuan ni Macacua, ang nakakuha ng pinakamaraming puwesto sa halalan, na may kabuuang 31 mula sa party at district seats, batay sa mga ulat sa halalan.

Nakakuha rin ng malaking representasyon sa bagong lehislatura ang United Bangsamoro Justice Party at BARMM Grand Coalition.

Pinasalamatan ni Macacua ang 46 na halal na mambabatas sa kanilang tiwala at pakikiisa, gayundin ang pambansang pamahalaan sa paggalang sa mga institusyon at prosesong politikal ng BARMM.

Sinabi niyang handa ang koalisyon na magpatuloy sa sandaling magtipon ang parliyamento, dala ang iisang layuning paglingkuran ang mga mamamayan ng Bangsamoro.

Nakatakdang manumpa sa tungkulin ang 80 bagong halal na miyembro ng parliyamento sa Oktubre 30.

Inaasahang aayusin nila ang pamahalaan at pipili ng Chief Minister na mamumuno sa regular na administrasyon ng rehiyon.

Mahalaga rin ang transisyong ito sa pagpapatuloy ng proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro, lalo na sa pagpapanatili ng mga nakamit na tagumpay sa kapayapaan, pagpapalakas ng mga institusyong politikal, at pagsusulong ng kaunlaran sa rehiyon.

Muling iginiit ni Macacua na handa ang koalisyon na magkaisa at magtulungan sa pagsisimula ng bagong pamahalaan upang makamit ang layuning paglingkuran ang buong Bangsamoro.

Tinapos niya ang kanyang pahayag sa pananalitang Islam na “Wa billahi Taufiq wal hidaya,” na isang panalangin para sa patnubay ng Diyos sa kanilang mga gagawin. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here