ISABELA, Philippines – Personal na dinalaw ni House Speaker Faustino Dy III ang mga mangingisda sa bayan ng Ramon, Isabela, kasunod ng fish kill incident na tumama sa ilang komunidad.
Sa pagbisita sa mga mangingisda kasama si Isabela Vice Governor Kiko Dy ay personal na tiniyak ng House Speaker ang suporta ng pamahalaan sa mga apektadong pamilya.
“Ngayon kami po ay makikinig sa mga report para lalo pong kami rin ay makapagbigay ng update sa national para sa ganoon kung ano pa po ang dapat naming gawin para mabigyan natin ng tamang solusyon at tamang pagtulong sa ating mga naapektuhang kababayan dito sa ating lalawigan ng Isabela,” ani Dy.
Ayon sa Speaker, ang impormasyong nakalap sa lugar ay makatutulong upang magabayan ang tugon ng pambansang pamahalaan at matiyak na maabot agad ng tulong ang mga apektadong komunidad.
Kinilala ni Dy ang matinding epekto ng fish kill sa kabuhayan ng mga lokal na mangingisda, dagdag pa ang problemang dulot ng matinding tagtuyot na sumalanta rin sa agrikultura ng lalawigan.
Umabot na sa tinatayang ₱120 milyon ang naitalang pinsala dulot ng fish kill sa Magat Dam, kabilang na ang mahigit ₱20 milyon sa Ramon, Isabela lamang. Unang naobserbahan ang pagkamatay ng mga isda sa reservoir noong June 23.
Ayon sa mga awtoridad sa fisheries, ang matagal na tagtuyot at matinding init ang naging dahilan ng pagbaba ng water level sa Magat Dam, na nagresulta sa pagbaba ng dissolved oxygen sa tubig sa antas na hindi na kayang suportahan ang malaking bilang ng isda sa mga fish cage.
Patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang buong saklaw at sanhi ng insidente habang ipinapatupad ang mga hakbang upang matulungan ang mga apektadong komunidad. Gail Mendoza